360 total views
Muling nagbabala ang Diyosesis ng Novaliches kaugnay sa scammer na nagpapakilalang seminarista upang makakuha ng mga donasyon.
Sa inilabas na pahayag ng diyosesis umiikot sa komunidad ng Commonwealth sa Quezon City partikular sa Kristong Hari Parish at Parokya ng Mabuting Pastol ang nagpakilalang John Michael Castillo upang humingi ng tulong pinansyal para sa ordinasyon.
Mariing itinanggi ng diyosesis ang pagkilanlan ni Castillo at hinikayat ang mamamayan na maging mapagmatyag at ipagbigay-alam sa kinauukulan ang kinaroroonan upang mapigilan ang panloloko.
“Siya [John Michael Castillo] ay HINDI seminarista ng ating Diyosesis [Novaliches]; kung sakaling magpunta siya sa inyong komunidad, mainam na ipagbigay alam po kaagad natin sa barangay o pulisya,” bahagi ng panawagan ng diyosesis.
Maraming beses nang nagbigay babala ang simbahan hinggil sa suspek na gumagamit ng iba’t ibang pangalan para makapanloko sa kapwa gamit ang simbahang katolika.
Batay sa mga ulat na natanggap ng diyosesis humihingi si Castillo ng donasyon para sa ordinasyon sa Marso.
Bukod sa Novaliches umiikot din ang suspek sa iba pang diyosesis lalo na sa Metro Manila sa kaparehong dahilan.
Mariing pinaalalahanan ng simbahang katolika ang mananampalataya na mag-ingat sa mga mapanamantalang indibidwal na ginagamit ang pangalan ng simbahan, cardinal, obispo o mga pari sa pangangalap ng donasyon upang makaiwas sa scam.
Kung makatatanggap ng mga solicitation letters lalo sa online mangyaring makipag-ugnayan at beripikahin sa tanggapan ng parokya o sa diyosesis kung lehetimo ang sulat na natanggap.