178 total views
Pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga ipinapatupad na minimum health protocols upang manatiling ligtas sa banta ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa huling pagsusuri ng DOH, University of the Philippines-Philippine Genome Center at UP-National Institutes of Health, naitala ang 125 kaso ng Alpha variant, 119 na kaso ng Delta Variant, 94 na kaso ng Beta variant, at 11 kaso naman ng P.3 variant na hinango mula sa huling batch ng samples na isinaayos ng UP-PGC na umabot na sa kabuuang bilang na 10,473.
Bagamat mataas ang bilang ng kaso ng mayroong Alpha variant, mas pinangangambahan pa rin sa bansa ang patuloy na paglaganap ng Delta variant na mas higit na nakakahawa at mapanganib kumpara sa ibang COVID-19 variant.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kumalat na sa buong National Capital Region ang kaso ng Delta Variant kung saan ang Las Pinas ang nakapagtala ng pinakamaraming kaso na umabot na sa 23, habang ang Marikina naman ang may pinakamaliit na bilang na nakapagtala lamang ng isang kaso.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang buong Metro Manila hanggang Agosto 20, gayundin ang lalawigan ng Laguna sa CALABARZON, Iloilo City sa Western Visayas, at Cagayan de Oro CIty sa Northern Mindanao hanggang Agosto 15. Batay sa huling tala ng DOH, umabot sa 10,623 ang panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa — ang pinakamataas na bilang magmula noong maitala ang 11,101 na panibagong kaso noong Abril nang kasalukuyang taon.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan at ugnayan ng simbahan sa pamahalaan sa pagsasagawa ng vaccination program upang mabigyan ng karagdagang kaligtasan ang publiko laban sa COVID-19 lalo’t higit sa banta ng Delta variant.