7,073 total views
Nagbabala sa publiko si Virac Bishop Luisito Occiano laban sa mga mapagsamantalang gumagamit ng kanyang pangalan upang makapanlinlang ng kapwa.
Ito’y makaraang makatanggap ng tawag si Bishop Occiano upang kumpirmahin ang isang viber message kung saan nakasaad na ang obispo’y humihingi ng donasyon sa isang dating senador para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa lalawigan ng Catanduanes.
Ayon sa obispo, walang katotohanan ang nasabing mensahe, at ang scammer ay gumagamit ng ibang SIM o numero na nakarehistro sa Viber gamit ang kanyang pangalan upang manlinlang.
“I am not personally soliciting any donations from anybody. Warning po! Somebody is fraudulently using my name to ask donations,” ayon sa facebook post ni Bishop Occiano.
Paalala naman ni Bishop Occiano sa lahat na tiyakin muna ang pagkakakilanlan ng sinuman at anumang mensaheng humihingi ng donasyon upang maiwasan ang pagiging biktima ng mga kawatan.
Tanging ang social arm ng Diyosesis ng Virac lamang ang nag-aapela ng tulong para sa mga biktima ng bagyong Kristine sa hilagang bahagi ng Camarines Sur.
Para sa mga nais magbahagi ng tulong, bisitahin lamang ang Facebook page ng Caritas Virac Justice and Peace Inc. para sa kumpletong detalye.