377 total views
Nagbabala si Archdiocese of Manila Archbishop-elect Jose Cardinal Advincula sa publiko kaugnay sa umiikot na pekeng solicitation letter mula sa Arkidiyosesis ng Capiz.
Batay sa nilalaman ng sulat, humihingi ito ng donasyon para sa installation ng Cardinal bilang bagong arsobispo ng Maynila.
Ayon kay Cardinal Advincula, wala itong batayan at malinaw na panloloko at pananamantala ang interes ng mga nasa likod ng naturang solicitation scam.
“This is Cardinal Advincula, I wish to notify the public that the letter bearing the signatures of a certain Fr. Allan Supilanas, Chancellor and of Bishop Pabillo soliciting donations for my installation as Archbishop of Manila is FAKE,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Ayon sa pamunuan ng Manila Cathedral at Archdiocese of Manila, hindi ito humihingi ng anumang donasyon para sa pagtatalaga ng bagong arsobispo.
Pinabulaanan din ni Cardinal Advincula na hindi sakop ng arkidiyosesis ang signatory sa scam solicitation.
“Capiz has no priest surnamed SUPILANAS,” ani ng Cardinal.
Hindi pa rin tiyak ang petsa ng pagtatalaga ng bagong arsobispo taliwas sa nakasaad sa sulat na Mayo 13, kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Muling paalala ng simbahang katolika sa mananampalataya na maging maingat at mapanuri lalo na sa mga online solicitation letter na natatanggap upang makaiwas sa panloloko.
Pinayuhan ng mga lider ng simbahan sng mamamayan na ugaliing kumpirmahin ang anumang sulat na matatanggap lalo na kung humihingi ng tulong pinansyal gamit ang pangalan ng simbahan o mga lingkod ng simbahan.
Pinakahuling biktima ng online scam ang paggamit sa pangalan ni Cardinal Luis Antonio Tagle para aniya sa pagpapagamot ng Cardinal.