5,126 total views
Muling nagbabala ang opisyal ng Vatican sa mananampalataya na maging maingat sa mga nababasa at napapanuod online.
Ayon kay Dicastery for Evangelization Pro Prefect Cardinal Luis Antonio Tagle, laganap sa internet ang mga Artificial Intelligence (AI) generated content na kadalasang sanhi ng pagkalinlang ng maraming mamamayan.
Tinuran ng cardinal ang kanyang mga AI generated video materials na mapapanuod sa mga social media platforms na nag-iendorso ng iba’t ibang produkto maging ng mga religious articles.
“Maraming kumakalat na endorsement online, fake yun. Kailanman ay hindi ako nagpo-promote ng mga produkto even religious articles kaya mag-ingat kayo at huwag kayong magpapaniwala,” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radio Veritas.
Ilan sa mga AI generated materials gamit ang pagkakilanlan ni Cardinal Tagle ang nag-endorso ng mga herbal medicine, portable aircon at religious articles.
Ang mga kumakalat na video ay ginawa gamit ang Deepfake technology na isang uri ng Artificial Intelligence na lumilikha ng convincing fake images, videos at audio recordings.
Sa mensahe ni Pope Francis sa 58th World Day of Social Communications sa temang ‘Artificial Intelligence and the Wisdom of the Heart Towards a Fully Human Communication’ binigyang diin nito ang wastong paggamit ng mga teknolohiya kabilang na ang AI para sa pagsusulong ng ikabubuti at ikauunlad ng pamayanan sa halip na panlilinlang at panloloko sa kapwa.
Bukod kay Cardinal Tagle, nagbabala rin si Tagbilaran Bishop Alberto Uy dahil sa kahalintulad na suliranin ang paggamit ng kanyang pagkakilanlan sa pag-endorso ng mga produkto online.
Sa Pilipinas kung saan mayorya sa mahigit 100-milyong populasyon ay aktibo sa paggamit ng internet umapela ang mga opisyal ng simbahan na maging mapagmatyag at maingat sa mga nakikita online lalo na kung gamit ang pangalan ng mga cardinal, arsobispo, obispo, pari at maging mga institusyon ng simbahan dahil laganap online ang fake accounts.
Sa pag-aaral ng DataReportal nitong 2024 nasa 86.98 million ang internet users sa Pilipinas kung saan nangunguna ang Facebook sa pinakaginagamit na social media platform sa 86.75 million users.