369 total views
Pinaalalahanan ng Climate Change Commission ang mamamayan na isaalang-alang ngayong Kapaskuhan ang pagiging makakalikasan.
Inihayag sa Radio Veritas ni CCC Commissioner Rachel Anne Herrera na kaakibat ng pagdiriwang ng Pasko ng kapanganakan ni Hesus ang pagpapahalaga sa nilikha ng Diyos.
“But as we celebrate [Christmas], sana hindi mawala sa isip natin na kasama sa listahan ng reregaluhan natin ay ang ating kalikasan,” pahayag ni Herrera sa Radio Veritas.
Tinukoy ng opisyal ang monthly sale ng e-commerce industries tulad na lamang ng 12.12 sale na pinangangambahang muling magdulot ng malaking epekto sa kalikasan dahil sa mga plastic packaging mula sa mga biniling produkto.
Ayon kay Herrera, mas makabubuti pa ring bumili ng mga produktong maaari muling magamit at mapakinabangan sa mga susunod na panahon at hindi magdudulot ng pinsala sa kalikasan.
“Marami pang ibang puwedeng gawin: puwede tayong magregalo ng e-vouchers instead, puwede ring pre-loved items ‘yung bilhin natin, and let’s make it a point to request minimal packaging ‘pag umo-order tayo online,” ayon sa opisyal.
Bukod naman sa pagpapaalala sa publiko na bawasan ang pagkonsumo, panawagan din ng komisyon sa mga online businesses na pagbutihin pa ang delivery system maging ang pagkakaroon ng mga alternatibong paraan na makatutulong sa kapaligiran.
“There are many small businesses that are going green in their packaging, and we should also encourage big e-commerce industries to do the same,” saad ni Herrera.
Batay sa pagsusuri ng Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau, inaasahang maaari pang tumaas sa mahigit 18-milyong tonelada kada taon ang malilikhang basura sa 2020.
Samantala, inaasahan namang sa 2025 ay aabot na sa humigit-kumulang 78-libong tonelada ng basura ang malilikha ng mga Pilipino kada araw.
Magugunita sa Laudato Si ni Pope Francis na binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-aalaga sa kapaligiran dahil sa kasalukuyan ay unti-unti nang nagmimistulang malawak na tambakan ng basura ang daigdig.