284 total views
Binalaan ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo ang mga mananampalataya sa huwad na email account na ginagamit ang kanyang pangalan.
Ayon sa Obispo, nasasaad sa e-mail na nanghihingi ng donasyon si Bishop Dialogo upang makabili ng bagong tabernakulo para sa Katedral ng Sorsogon.
Nilinaw ng Obispo na wala siyang kaugnayan sa e-mail account na ginagamit ang kanyang pangalan at hindi totoo na sila ay nangangalap ng pondo pambili ng bagong tabernakulo ng Katedral.
Hinimok ni Bishop Dialogo ang mga mananampalataya na ipagbigay alam sakaling makatanggap ng anumang mensahe na nanggagamit ng pangalan ng mga Obispo, pari o anumang institusyon ng simbahan.
“This is a disclaimer. Somebody has made an email account under my name ang using this acct to solicit a certain amount for the tabernacle of Sosogon Cathedral and using a number which is not mine at all. Any solicitation from this email acct and the phone number stated is not mine and not authorized to do the same. Fake Email and fake phone number will be posted. Thank you po.” Pahayag ni Bishop Dialogo.
Samantala, ganito din halos ang nangyari kay Father Reginald Malicdem, Rector ng Manila Cathedral matapos siyang makatanggap ng ulat na ginagamit ang kanyang pangalan upang manghingi ng donasyon para sa “farewell party” at pambili ng regalo para kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Nilinaw ni Father Malicdem na walang “farewell party” para kay Cardinal Tagle sa January 5, ika-4 ng hapon sa Manila Cathedral.
Iginiit din ng pari na hindi rin sila nanghihingi ng donasyon pambili ng crosier o Pastoral staff na ipapabaon sa Cardinal sa pagtugon nito sa kanyang tungkulin bilang pangulo ng Propaganda Fide sa Vatican.
Matatandaang Oktubre noong nakaraang taon ay ginamit din ang pangalan ni Cebu Abp. Jose Palma upang manghingi ng donasyon dahil dinasabing siya ay nasa Ukraine at naubusan ng pera pabalik ng Pilipinas.
Nobyembre 2019, si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David Vice President ng C-B-C-P ay nabiktima din naman ng parehong modus kung saan ginawan siya ng pekeng Facebook account na nanghihingi din ng donasyon pambili ng tabernakulo.
Binigyang-diin naman ni Abp. Palma na ang gawaing ito ay imoral, iligal at dapat na matigil na ang panlolokong ito na ginagamit ang simbahan.