1,847 total views
Nagbabala ang BAN Toxics laban sa mga mapanganib na insecticides na ibinebenta sa Pasig Mega Market.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, ang patuloy na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na insecticides ay malinaw na paglabag ng mga tindahan sa mga umiiral na patakaran laban sa mga produktong may sangkap na kemikal.
Kabilang sa mga ilegal na produkto ay ang Baolilai Aerosol Insecticide, Butiki Water-Based Multi-Insect Killer, Big Bie Pai (bi pay) Aerosol Insecticide na nagkakahalaga ng P100 hanggang P120, habang ang Wawang High Quality Mosquito Coil naman ay ibinebenta sa halagang P20 kada kahon.
“We call the attention of store owners to pull-out on shelves the banned and prohibited insecticides,” ayon kay Dizon.
Batay sa abiso ng Food and Drug Administration, hindi sumailalim sa anumang pagsusuri ang mga produkto kaya’t hindi matitiyak ang bisa, kalidad, at kaligtasan nito para sa mga mamimili.
Ayon sa FDA, ang paggamit ng mga substandard at mapanganib na produkto ay maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan, tulad ng skin irritation, respiratory disorders, brain damage, at organ failure.
Hinimok naman ng BAN Toxics si Pasig City Mayor Vico Sotto upang tutukan at tugunan ang paglaganap ng mga ipinagbabawal na produkto sa Pasig Mega Market, at maiwasang magdulot pa ng kapahamakan sa mamamayan.
“We will continue to conduct on-site monitoring on restricted consumer products in public markets and report to concerned authorities for law enforcement action. The health and welfare of the public should be the main concern especially by our local officials,” giit ng grupo.
Upang matiyak na nakarehistro sa FDA ang mga kagamitan sa tahanan, bisitahin lamang ang website ng ahensya sa www.fda.gov.ph, o kaya’y magpadala ng e-mail sa [email protected] sakaling makabili ng kahina-hinalang produkto.
Nakasaad sa Catholic Social Teaching na bagamat sang-ayon ang simbahan na kumita ang isang mamumuhunan, kinakailangang ang negosyo nito’y hindi nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan ng mamamayan at pinsala sa kalikasan.