27,223 total views
Hiniling ng Archdiocese of Cebu sa mamamayan na magtulungang i-report ang pekeng Facebook account na ipinangalan kay Archbishop Jose Palma.
Babala sa publiko na iwasang makipag-ugnayan sa nasabing social media account dahil wala itong kaugnayan sa arsobispo.
“Kindly help report this Facebook account https://www.facebook.com/profile.php?id=61555143895163]. It does not belong to Cebu Archbishop Jose S. Palma. Please do not interact with this account in any way,” saad ng arkidiyosesis.
Makailang beses nang ginamit ng mga mapanamantalang indibidwal ang pangalan ni Archbishop Palma sa fraudaulent activities lalo na sa online.
Dahil dito hinimok ng arkidiyosesis ang nasasakupang mananampalataya na ipagbigay alam sa tanggapan ang anumang mensaheng matatanggap mula sa pekeng FB account.
“If you see any suspicious activity, please message us,” ayon pa sa arkidiyosesis.
Ginagamit na pagkakataon ng mga scammer ang social media gamit ang pangalan ng mga kilalang lider at personalidad dahil aktibo ang mga Pilipino sa paggamit ng internet.
Ayon sa datos ng We are Social at Meltwater sa unang bahagi ng 2024 nasa halos 87 milyong Pilipino ang internet user’s kung saan 86.7 milyon dito ang gumagamit ng social media o katumbas sa halos 74 na porsyento sa kabuuang populasyon ng bansa.
Bukod pa rito ang 117.4 million cellular mobile connections.
Paalala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mamamayan na maging maingat sa pakikipag-ugnayan sa social media lalo na sa mga obispo, pari at mga simbahan dahil ginagamit ito ng iilan para sa scam.
Ugaliing makipag-ugnayan sa tanggapan ng mga diyosesis at parokya sakaling makatatanggap ng mensahe online lalo na ang humihingi ng donasyon at tulong pinansyal.