455 total views
Nananawagan ang Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC) para sa donasyon ng N95 face mask na higit na kailangan ngayon sa lalawigan ng Batangas bunsod ng kalagayan ng bulkang Taal.
Ayon kay LASAC Program Officer Paulo Ferrer, apektado na ng sitwasyon ng Taal Volcano ang kalusugan at kabuhayan ng mga residenteng malapit sa bulkan dahil sa inilalabas na sulfur dioxide o asupre.
“Based dun sa initial assessment, nirereklamo ng mga tao ‘yung effect nung vog sa kanila. Mostly, mga may ubo at masakit ang lalamunan dahil nga dun sa high level nga nung sulfur dioxide sa hangin.,” pahayag ni Ferrer sa panayam ng Radio Veritas.
Bahagya ring humina ang steaming sa bulkan na maaaring pahiwatig na naubos na ang tubig sa crater.
Babala naman ni Ferrer sa publiko na bagamat humina ang paglabas ng usok, hindi pa rin dapat makampante ang mga tao dahil maaaring senyales naman ito ng nalalapit na pagsabog ng Bulkang Taal.
“Yun ang two aspects. It’s either wala na ‘yung tubig sa crater, ibig sabihin super mainit na, next to that will be ‘yung phreatomagmatic [eruption] na,” dagdag ni Ferrer.
Nakahanda naman ang LASAC sa mga posibleng mangyari sa mga susunod na oras gayundin sa anunsyo ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan bilang patuloy na pagbabantay sa aktibidad ng bulkan.
Sa ngayon, kinakailangan ng mga pamayanang malapit sa Bulkang Taal ang N95 facemask para sa karagdagang proteksyon laban sa panganib na epekto ng asupre.
Para sa mga nais tumulong sa pamamagitan ng in-kind donations, maaari itong dalhin sa LAFORCE Building, St. Francis de Sales Major Seminary Compound, Marawoy, Lipa City, Batangas.
Kung ito naman ay in cash donations, maaari itong ipadala sa pamamagitan ng GCash sa account name na Fr. Jayson Siapco at account number na 0966-572-6244.
Batay sa 24-hour observation ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala sa Taal Volcano ang limang volcanic tremors na tumagal ng tatlo hanggang walong minuto ang haba, at mayroon ding mahinang background tremor.
Umabot din sa higit 13 libong tonelada kada araw ang ibinugang sulfur dioxide ng bulkan kahapon, taglay ang malakas na pagsingaw na umabot sa halos tatlong kilometro ang taas.
Gayunman, nananatili pa rin sa Alert Level 1 ang kalagayan ng Taal Volcano.