202 total views
Nararapat na patuloy na manindigan ang mamamayang Filipino hanggang makamit ng sambayanan ang ganap na demokrasya sa bansa.
Ito ang hamon ni Rev. Father Xavier Alpasa, SJ – Executive Director ng Simbahang Lingkod ng Bayan at bahagi ng Task Force Eleksyon 2016 partikular na sa mga kabataan ngayong halalang pambansa.
Pagbabahagi ng pari, hindi nararapat na makuntento ang mamamayan sa hindi ganap na demokrasyang umiiral sa lipunan kung saan hindi naabot ng pag-unlad ang mahihirap at tangging ang may mga may kapangyarihan at mayayaman ang pinakikinggan.
“Ang hamon ko sa lahat hangga’t ang gobyerno natin ay hindi nagiging “of the people – by the people – for the people” ipapagpatuloy natin ang people power hanggang mapunta yung power sa mga people kasi ganun ang nararanasan natin ngayon, hindi ganap yung demokrasya ang pag-unlad ng Pilipinas ngayon hindi umaabot sa mga maralita ang kapangyarihan naka-concentrate ang talakayan doon sa mga tatakbo sa halalan, kaya hinahamon ko ang lahat na gawin natin ang lahat ng magagawa natin hanggat maisakatuparan natin yung ganap na demokrasya na kasama tayo sa usapan, kasama tayo sa polisiya, kasama tayong lahat sa pag-unlad…” Ang bahagi ng pahayag ni Rev. Fr. Alpasa, sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10002, 18,083 posisyon ang bukas para sa panunungkulan at pamumuno ng mga bagong lider na maihahalal ngayong May 9 – National at Local Elections,
Sa pinakahuling tala ng Comelec, nasa 54.6 na milyon ang rehistradong botante sa eleksyon bukod pa sa 1.3 milyong Overseas absentee voters.
Kung saan ayon sa National Youth Commission 40-porsyento sa kabuuang bilang na ito ay kabataang edad 18 hanggang 30 na malaki ang papel sa nakatakdang 2016 National at Local Elections.
Magugunitang sa naganap na Encounter with the Youth sa UST, ni Pope Francis noong ika-18 ng Enero taong 2015 ay hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.