358 total views
May magagawa ang bawat mamamayan para sa matagal ng hinahangad na pagbabago ng lahat sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo kaugnay sa papalapit na halalan sa bansa.
Ayon sa Obispo na siya ring outgoing chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, maging sa mga simpleng pamamaraan ay mayroong maaaring magawa at maiaambag ang bawat isa para sa pagbabago ng lipunan.
Partikular na tinukoy ni Bishop Pabillo ang paggamit ng social media tulad na lamang ng Facebook sa pagbabahagi ng mga pananaw upang maisantabi ang anumang kasinungalingan na nais na palaganapin ng mga may sariling interes sa posisyon at katungkulan sa pamahalaan.
Iginiit ng Obispo na sa pamamagitan ng pagiging mapagbantay ay maaring malabanan ang pagkalat ng mga trolls na nagpapalaganap ng mga maling impormasyon.
“May magagawa ang bawat isa sa atin, at kung ang bawat isa ay kumilos, may pagbabagong mangyayari. Kung ang bawat isa ay magpost sa ating facebook ng ating pananaw, hindi tayo matatalo ng mga kasinungalingan ng mga trolls, kahit may mga troll farms pa sila. Kung ang bawat isa ay magsusuri nang maayos at bumoto nang maayos, may pag-asa tayo ngayong election kahit na may pera pa sila at may propaganda machinery.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito nagkaisa ang 12-senador sa pagnanais na maimbestigahan ang mga ulat ng paggamit ng pondo ng bayan para sa mga troll farms, hindi lamang para sa pagpapalaganap ng fake news kundi lalo’t higit para sa propaganda sa nakatakdang halalan.
Magugunitang nauna nang nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa paglaban sa pagkalat ng ‘fake news’ at online deception partikular na sa social media na maituturing na isang “sin against charity” dahil sa paglaganap ng mga maling impormasyon na nakapagdudulot ng maling persepsyon at desisyon sa mga mamamayan