30,266 total views
Hinamon ni Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mananampalataya na higit pang ipakita ang pagiging mabubuting anak ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga sa sangnilikha.
Ayon kay Bishop Santos, bilang mga anak ng Diyos, ang tao’y nilikha hindi lamang upang tamasahin ang mga likas na yamang handog, kun’di pinagkakatiwalaan din sa tungkuling pangasiwaan at pangalagaan ito para sa kasalukuyan at mga susunod pang henerasyon.
“When we show that we care for God’s creation, we are showing that we are His true children. And in doing so, we give back in a way that honors God,” ayon kay Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Ang mensahe ng obispo ay paanyaya para sa pagdiriwang ng Earth Hour 2024 sa Sabado, March 23, kung saan muling isasagawa ang isang oras na pagpapatay ng mga ilaw mula 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Sinabi ni Bishop Santos na ang paglalaan ng isang oras para sa mundo ay kaakibat ang positibong epekto na makatutulong upang makapagpahinga ang inang kalikasan.
Pagbabahagi ng obispo na noong nilikha ng Diyos ang daigdig ay ipinagkatiwala na Niya sa mga tao ang pangangalaga at pagpapayabong dito, kaya naman ang pandaigdigang gawain ay magandang hakbang upang ipakita ang pagmamalasakit sa ating nag-iisang tahanan.
“We must then show obedience by protecting the environment and helping it to thrive and prosper, in whatever way we can. We are called by God to give support, in any form, as part of our responsibility of stewardship,” saad ni Bishop Santos.
Samantala, pangungunahan ng Manila City Government ang pagdiriwang ng Earth Hour sa Pilipinas katuwang ang World Wide Fund for Nature Philippines.
Isasagawa rin ng Radio Veritas 846 ang “Ang Banal na Oras para sa Kalikasan: Earth Hour 2024 Special” mula alas-otso hanggang alas-10 ng gabi na mapapakinggan sa DZRV 846 AM at matutunghayan sa DZRV846 Facebook page, Veritas PH sa YouTube, at sa Veritas TV Sky Cable Channel 211.
Ito’y sa pakikipagtulungan din ng WWF-Philippines at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Taong 2007 nang unang isagawa sa Sydney, Australia ang itinuturing na pinakamalaking pagtitipon para sa kalikasan, at ngayo’y isinasagawa na sa higit 7,000 lungsod at 193 bansa sa buong mundo.