1,444 total views
Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na paigtingin ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Ito ang mensahe ng obispo kaugnay sa Laudato Si’ Week 2023 mula ika-21 hanggang 28 ng Mayo upang gunitain ang ikawalong anibersaryo ng pagkakalathala sa Ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa pangangalaga sa kalikasan.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Office on Stewardship, nararapat na isabuhay ng bawat isa ang pangangalaga sa kalikasan upang matugunan ang lumalalang epekto ng climate crisis.
“Sana sa pagdiriwang natin ng Laudato Si’ Week ay mas maisabuhay pa natin ang pangangalaga sa ating daigdig mula sa epekto ng climate crisis. Ito ang nais ipabatid sa atin ni Pope Francis simula nang ipublish ang kanyang encyclical letter para pangalagaan ang ating nag-iisang tahanan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Pabillo na kahit sa payak na paraan ay maibabahagi natin sa kapwa ang mga aral mula sa Laudato Si’ tulad ng wastong pagtatapon ng basura, at pagtitipid sa paggamit ng tubig.
Batid ng obispo ang krisis sa basura dahil sa patuloy na paggamit ng single-use plastic, gayundin ang nagbabadyang pagkaubos ng suplay ng tubig dahil sa banta ng El Niño phenomenon.
Ipinaliwanag ng opisyal ng CBCP na maaari itong maiwasan kung sisikapin ng bawat isa na isabuhay ang “sapat lifestyle”.
“Kaya mahalaga na sanayin natin ang pagkakaroon ng sapat-lifestyle. Matuto tayong magtipid at iwasan ang pagkonsumo nang labis sa mga hindi makabuluhang bagay,” ayon kay Bishop Pabillo.
Tema ng Laudato Si’ Week ngayong taon ang “Hope for the Earth. Hope for Humanity”.
Ang Laudato Si’ ang ikalawang ensiklikal na nilathala ni Pope Francis kasunod ng Lumen Fidei, at itinuturing na kauna-unahang ensiklikal patungkol sa wastong pangangalaga sa kalikasan.