13,941 total views
Nalulutas lamang ang isang suliraning panlipunan kapag ang lahat ay kumikilos at nakikibahagi.
Ito ang binigyang-diin ni running priest Fr. Robert Reyes hinggil sa pag-iral ng kultura ng takot sa lipunan dulot ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Fr. Reyes, ang pagtugon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa suliranin ng ilegal na droga sa bansa ay lalong nag-iwan ng pangamba sa halip na kapanatagan ng loob sa mamamayan.
Iginiit ng pari na hindi solusyon ang paggamit ng dahas para matugunan ang ilegal na droga, bagkus dapat isulong ang mga programang aakay sa mga mga naligaw ng landas tungo sa pagbabagong-buhay.
“You don’t exterminate the problem. You solve the problem. And what was the problem then? If drug addiction was a problem, the cause is not the drugs that the production and distribution of the drugs done by drug lords using little pons… Hindi nalulutas ang anumang problema sa pamamagitan ng dahas. Hindi nalulutas ang problema sa utos ng isang tao. Ang anumang problema lalo na kung problemang panlipunan ay nalulutas lang kung lahat ay kumikilos at nakikialam,” pahayag ni Fr. Reyes sa panayam ng Radio Veritas.
Ginawa ni Fr. Reyes ang pahayag kasabay ng paglulunsad ng Arnold Janssen Kalinga Foundation, Inc. sa Dambana ng Paghilom sa loob ng La Loma Catholic Cemetery sa Caloocan City.
Ito ang kauna-unahang Extra-judicial killing (EJK) memorial site sa bansa na layong makapaghatid ng naaangkop na himlayan para sa mga naging biktima ng madugong drug war na lumaganap sa pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ngayon meron silang magandang memorial, itong dambana ng paghilom na kung saan ang lahat ng naniniwala na dapat matapos na ang extrajudicial killings sa isang demokratikong bansa ay pwedeng pumunta at alalahanin na ito ay hindi lang trabaho ng iilan. Ito’y pananagutan ng lahat,” saad ni Fr. Reyes.
Sa tala ng United Nations Human Rights Council (UNHRC), aabot ng higit 6,000-katao ang nasawi sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte habang sa tala ng iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas ay nasa mahigit 30-libo ang mga nasawi.