471 total views
Mahalagang makiisa ang mga mamamayan sa mabuting adhikain ng pamahalaan ngunit dapat ring manindigan ang bawat isa sa maling gawain at mga paglabag sa batas ng mga otoridad.
Ito ang muling panawagan ni Commission on Human Rights Chairperson Jose Luis Martin Gascon kaugnay sa patuloy pa ring pagtaas ng bilang ng mga namamatay sa gitna ng operasyon ng mga otoridad laban sa ilegal na droga.
“Magmasid, importante yung mga nangyayari at nagaganap sa ating lipunan ay tinitingnan natin at binabantayan at kung may nakikitang pang-aabuso ay ipaabot sa kinauukulan. Tulungan din natin ang kapulisan sa mga mabubuti nilang ginagawa na pagtugis sa bawal na gamot. Importante rin po ay kung nakikita natin na may pang-aabuso ay handa po tayong sabihing mali yan at gawin lang po natin yung tama at matuwid, iwasan ang mali at paglabag sa batas…” pahayag ni Gascon sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, unang inihayag ni Philippine National Police Spokesman Senior Supt. Dionardo Carlos na simula unang araw ng Hulyo hanggang ika-31 ng Agosto ay may 1, 391 na kaso ng mga pagkamatay o insidente ng extrajudicial killings na nasa ilalim ng deaths under investigation (DUIs) ng PNP.
Sa nasabing bilang tanging 281-kaso pa lamang ang kanilang naisampa sa hukuman.
Una nang nagpahayag ng pagkaalarma ang Simbahang Katolika maging ng gobyerno at mariing kinundina ang patuloy na karahasan at pagsisistensya ng kamatayan sa mga indibidwal na nagkasala na isang paglabag sa kanilang karapatan na mabuhay at maipagtanggol ang kanilang sarili sa harapan ng Hukuman.