393 total views
June 26, 2020-1:29pm
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na pag-aralan at alamin ang nilalamang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, hindi dapat na ipagsawalang bahala ng mga ordinaryong mamamayan ang panukalang batas na naglalaman ng mga kwestyunableng probisyon na maaring magsantabi sa mga karapatan ng bawat mamamayan.
Giit ng Pari, mahalagang maglaan ng panahon ang bawat isa upang makinig at makibahagi sa mga pagtalakay ng mga eksperto kaugnay sa nilalaman at layunin ng Anti-Terrorism bill.
“Kung ikaw ay ordinaryong mamamayan nga baka iniisip mo na wala ka naman ditong dapat na ikabahala, ikatakot pero meron kasing ibang mga provisions doon na pwede kang masabit ng ganun, ganun nalang so ibig sabihin nito you should take time to understand and listen to experts’ discussion about the bill so that you will be informed thoroughly,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Secillano sa panayam sa Radio Veritas.
Paliwanag ng pari, hindi dapat na balewalain ang Anti-Terrorism Act of 2020 na maaring magamit laban sa sinuman sa hinaharap sakaling lagdaan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang isang ganap na batas.
“Kasi kung binabalewala lang natin ito baka naman kinabukasan lang paggising natin ‘aba bakit ako ginaganito, bakit ako kinakapkapan, bakit ako kung baga ay wina-wiretap, I don’t know’ kasi there might be a reason for that and that reason is only well known to those implementing the laws,” dagdag pa ng pari.
Nauna ng sinertipikahang ‘urgent’ ni Pangulong Duterte ang panukalang House Bill 6875, o “Anti-Terror bill” na nag-aamyenda sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law ng bansa habang una na ring naipasa ang counterpart ng panukalang batas sa Senado na Senate Bill 1083.
Sa ilalim ng House Bill 6875, pinapalawig ang panahon na maaring manmanan ang mga hinihinalang terorista kung pahihintulutan ng korte.
Bukod dito maari ring ikulong kahit wala pang kaso ang mga hinihinalang terorista sa loob ng hanggang 14 na araw.
Una ng nagpahayag ng pagkabahala ang iba’t ibang sektor ng lipunan kasama na ang simbahan kaugnay sa malawak na kahulugan ng panukalang batas sa terorismo kung saan maaring mapanagot ang sinumang babansangang terorista sa ilalim ng batas.