1,439 total views
Hinikayat ng Healthcare Commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko na suportahan ang mga programa at layunin ng Department of Health.
Ito ang Chikiting Ligtas 2023 project ng DOH o ang Measles and Rubella Vaccine-Oral Polio Vaccine (MRV-OPV) supplemental immunization activity na layong isulong ang pagbabakuna sa mga kabataan laban sa vaccine-preventable diseases (VPDs).
Ayon kay Camillian Father Dan Cancino, executive secretary ng CBCP-ECHC, mahalagang magkaroon ng karagdagang proteksyon ang mga bata upang mapangalagaan mula sa epekto ng mga nakakahawang sakit.
“Maraming mga parokya ngayon sa iba’t ibang diyosesis ang nakikilahok dito sa Chikiting Ligtas na ito. Kaya para sa akin, ito ‘yung pagpapalaganap ng proper information sa kahalagahan ng ating kabataan. Ito ang paglahok natin para sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa mga magulang at sa ating buong komunidad,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng pari na sa pag-iral ng COVID-19 pandemic sa bansa ay bahagyang naisantabi ang pamamahagi ng bakuna sa mga kabataan dahil mas tinutukan ng pamahalaan ang COVID-19 vaccination campaign.
Tiniyak naman ni Fr. Cancino ang pagtulong ng simbahan sa pamahalaan para ipabatid sa publiko ang pakikilahok sa Chikiting Ligtas campaign at ang kahalagahan nito sa kalusugan ng mga kabataan.
“Kaya tayo sa simbahan, nagpapalaganap tayo ng tamang impormasyon tungkol sa Chikiting Ligtas na ito. Marami na rin sa ating mga parokya ang nakikilahok sa mga local government units, rural health units, at municipal health offices para mapalaganap natin itong mga impormasyon. At ‘yung iba nga ay nagiging venue para maging vaccination sites para sa mga bata,” ayon kay Fr. Cancino.
Batay sa tala ng DOH, umabot na sa higit 5.3 milyong bata ang nakibahagi at nabigyan ng bakuna laban sa VPDs dalawang linggo matapos ilunsad ng ahensya ang kampanya.
Maaaring pabakunahan laban sa tigdas at rubella ang mga bata mula siyam na buwan hanggang limang taong gulang, habang ang bakuna kontra polio nama’y para sa limang taong gulang pababa.
Naitala noong 2019 ang 50,000 kaso ng tigdas, kung saan 637 ang nasawi, habang sa katulad ding taon ay apat na bata naman ang nasawi sanhi ng polio.