328 total views
Muling hinihikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang bawat mananampalataya na magkaisa hinggil sa wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan sa kabila ng mga nararanasang krisis sa kapaligiran.
Sa liham pastoral ni CBCP President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, muli nitong binibigyang-pansin ang unti-unting pagkasira ng mundo dulot ng kapabayaan ng mga tao na naging sanhi rin ng pag-iral ng iba’t ibang krisis tulad ng COVID-19 pandemic.
“We commit to ‘integrate the care of creation as our common home in our teaching and practice of Christian discipleship’ through concrete ecological actions in caring for our Common Home,” pahayag ni Bishop David.
Binigyang-diin sa pastoral letter ang tatlong adbokasiya at pagkilos ng Simbahan hinggil sa pangangalaga sa kalikasan:
Una ay ang “Ecological Conversion through Stewardship of our Resources” na lalong pinagtibay ng panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ensiklikal na Laudato Si.
Layunin nitong tugunan ang hinaing ng daigdig at pag-aralan ang ekolohikal na ekonomiya upang mabawasan ang lumalalang polusyon sa kapaligiran, decarbonization sa sektor ng enerhiya at ekonomiya, at ang pamumuhunan para sa malinis na renewable energy na mapapakinabangan ng lahat.
Pangalawa naman ay ang “Laudato Si’ Formation and the National Laudato Si’ Program” na nilalayong paigtingin ang Ecological Education, Ecological Spirituality, at Community Resilience and Empowerment.
Higit din itong makakatulong para sa Basic Ecclesial Communities (BEC) upang isabuhay ang mga turo na nakasaad sa Laudato Si’.
Habang ang pangatlo ay ang “Advancement of the Rights of Nature and the Defense of Life” na layunin namang tugunan ang hinaing ng mga mahihirap, at pagtataguyod sa sustainable lifestyle.
Pinagtitibay din dito ang pagpapanibago at pagsuporta sa Rights of Nature campaign na kinikilala ang lahat ng nabubuhay sa daigdig ay mayroong pantay na karapatang mabuhay at yumabong.
Panawagan naman ng CBCP sa bawat isa na ipagpatuloy ang pagiging mabuting Kristiyano na nakahandang kumilos upang muling makabangon sa iba’t ibang pagsubok at krisis sa kapaligiran.
“Let us take to heart our Christian duty of uniting in prayer and decisive action for a just and green recovery from the climate crisis amid the planetary emergency we are in today due to COVID-19,” ayon sa liham pastoral.