20,985 total views
Hinikayat ng kinatawan ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ang mamamayan na makiisa sa taunang Walk for Life sa inisyatibo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippiens Archbishop Charles Brown makahulugan ang naturang gawain lalo na sa kasalukuyang panahon na lantad sa panganib at iba’t ibang uri ng banta ang buhay ng tao.
“I want to encourage all of you to participate in the Walk for Life. This is an incredibly important event every year to demonstrate our support and our desire to protect life at all stages, from conception until natural death. This is such an important issue in our world today, in which human life is threatened in many ways,” pahayag ni Archbishop Brown sa Radio Veritas.
Itinakda ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang Walk for Life 2024 sa February 17 kung saan tema ngayong taon ang ‘Together, We Walk for Life’.
Magsisimula ang gawain sa ikaapat ng madaling araw sa Welcome Rotonda at sama-samang maglalakad ang tinatayang 5, 000 delegado mula sa iba’t ibang diyosesis at organisasyon patungong University of Santo Tomas Grandstand kung saan isasagawa ang maikling programa.
Tampok sa pagtitipon ang panayam ni Prolife Philippines President Bro. Bernard Canaberal habang pangungunahan naman ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa alas 6:45 ng umaga.
Inaasahan din ang pakikibahagi nina Dipolog Bishop Severo Caermare ang chairman ng Commission on the Laity ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines gayundin sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias.
Unang isinagawa ang Walk for Life noong 2017 na layong isulong ang paninindigan ng simbahan sa kasagraduhan at dignidad ng buhay ng mamamayan lalo na ang mga isinusulong na panukalang batas na lubhang mapanganib at banta sa buhay ng mamamayan tulad ng ‘death penalty, abortion, divorce, euthanasia, at same-sex marriage.