637 total views
Inaanyayahan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang mamamayan na makiisa sa taunang ‘Walk for Life’.
Ayon kay Raymond Daniel Cruz, ang pangulo ng grupo, napapanahon na upang kumilos ang mamamayan para sa kapakinabangan ng lipunan.
“Panahon na upang i-angat ang buhay! Samahan ninyo po kami sa taunang pagdiriwang ng Walk For Life. Ang tema natin ay: “Sulong Laiko… Halalang Marangal tungo sa Pag-angat ng Buhay,” pahayag ni Cruz sa Radio Veritas.
Giit ng opisyal na patuloy isusulong ng grupo ang dignidad at kahalagahan ng buhay kaya’t malaking gampanin ng mga layko ang paghalal ng mga lider na magsusulong sa karapatan at magtataguyod sa buhay ng mahigit 100-milyong Filipino.
Ilan sa mga pinaninindigan ng grupo ang pagtutol sa karahasang dulot ng malawakang war on drugs, diborsyo, aborsyon, same sex marriage at ang death penalty na itinuturing na tahasang paglabag sa kautusan ng Panginoong pangalagaan ang kaloob na buhay.
Dahil sa nagpapatuloy na banta ng COVID-19 sa lipunan muling isasagawa ang Walk for Life sa ikalawang pagkakataon sa pamamagitan ng virtual o online livestreaming.
Mapapanuod ito sa Facebook page ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas, CBCP News at iba pang social media pages ng Simbahan.
Gaganapin ito sa February 26, 2022 mula alas 9 hanggang alas 10:30 ng umaga.