321 total views
June 5, 2020, 1:49PM
Mapanganib ang mga probisyong nilalaman ng panukalang Anti-Terrorism bill para sa kapakanan ng mamamayan.
Ito ang binigyang diin ni Sr. Mary John Mananzan, OSB – Convenor ng Movement Against Tyranny sa kontrobersiyal na House Bill 6875 o “Anti-Terror bill” na nag-aamyenda sa kasalukuyang Anti-Terrorism Law ng bansa.
Iginiit ni Sr. Mananzan na kung talagang nais ng pamahalaan na masugpo ang mga terorista ay kailangan nitong ipatupad ang kasalukuyang batas sa halip na amyendahan ito.
Ipinaliwanag ng Madre na hindi na kinakailangan pang amyendahan ang kasalukuyang Anti-Terrorism Law sapagkat malinaw sa batas ang depinisyon ng terorista at terorismo na mas pinalawak sa panibagong Anti-Terror Bill.
“Very dangerous, kung talagang terrorist ang kanilang pinupuntirya diba we have an all out action against the mere terrorist. There is already an Anti-Terrorism law na very clear ang definition ng terrorism na ginawa nilang very vague sa bagong panukalang batas.” pahayag ni Sr. Mananzan sa Radyo Veritas.
Pinuna rin ng Madre ang hindi napapanahong pagsusulong sa naturang panukalang batas kung saan kasalukuyang humaharap ang bansa sa krisis na dulot ng Coronavirus Disease 2019.
“Anong klaseng timing, it’s really something, bakit ngayon (na may pandemic COVID-19)?”dagdag pahayag ni Sr. Mananzan.
Pinayuhan naman ni Sr. Mananzan ang bawat mamamayan na maging maingat at mapagmatyag upang hindi mataguriang terorista at maging biktima ng naturang panukalang batas.
“Sa mga kababayan natin huwag tayong magstop then you have to be very vigilant kasi ngayon anything is terrorism mag-disent ka lang terrorist ka na so kailangan tayo be very vigilant na wala tayong mga gagawin na they will interpret it right away as terrorism kasi napaka-broad nung kanilang statement about what is terrorism is…” Paalala ng Madre
Sa ilalim ng House Bill 6875, pinapalawig ang panahon na puwedeng manmanan ang mga hinihinalang terorista kung pahihintulutan ng korte at maari ring ikulong kahit wala pang kaso ang mga hinihinalang terorista sa loob ng 14 na araw.