159 total views
Umaasa ang isang election watchdog na hindi maisusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang muling pagkakaantala ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa ika-14 ng Mayo, 2018.
Ayon kay Atty. Rona Ann Ona-Caritos, executive director ng Legal Network for Truthful Elections (LENTE), bukod sa wala nang sapat na panahon ang mga mambabatas ay wala rin itong katapat na panukalang batas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Sa kabila nito, nangangamba naman si Caritos na maaring ‘i-railroad’ ang panukala para maisulong ang kanilang interes.
Sinabi ni Caritos na tila formality lamang ang pagdinig sa Kamara subalit nanaig pa rin ang kagustuhan ng mga mambabatas na ibinbin ang panukala para bigyang daan ang plebesito sa isinusulong din na Charter Change.
Ayon kay Caritos, hangga’t hindi natatapos ang sesyon ay hindi pa nakakatiyak kung matutuloy ba o hindi ang halalan.
“Wary din po ako sa Senado kahit maraming nagsasabi na hindi na kaya sa Senado lalu’t walang counterpart na bill ang mabilis kasing i-adopt na lang ng Senate yung version ng house na sa 2nd Monday of October na lang gagawin ang election so hangga’t hindi nagsasarado ang session next week hindi po tayo talaga nakakasigurado kung tuloy na tuloy ang eleksyon sa Mayo,” ayon kay Caritos.
October 2, 2017 nang lagdaan ng pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng halalan sa Mayo 2018 na nakatakda sana noong Oktubre 2017 na una na ring sinuspinde noong 2016.
Sa kasalukuyan ang mga incumbent barangay officials ay limang taon ng nanunungkulan dahil sa pagpapaliban ng halalan.
Base sa panukala ang nakatakdang halalan sa buwan ng Mayo ay iminungkahing ilipat sa buwan ng Oktubre.
Higit sa 800,000 voters ang nagparehistro para sa nakatakdang 2018 election ayon sa Commission on Elections habang higit naman sa 40,000 ang bilang ng mga barangay sa buong Pilipinas.