16,325 total views
Hinimok ng Caritas Manila ang mamamayan na palawakin kaalaman sa mga suliraning nararanasan ng sektor ng agrikultura upang mapaigting ang pakikiisa at pagpapaunlad sa napabayaang sektor.
Hamon ito ni Father Anton CT Pascual – Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas sa paggunita sa buwan ng Abril bilang National Filipino Food month.
Ayon sa Pari, bukod sa pagkilala sa kultura at kasaysayan ng pagkaing Pilipino ay mahalagang itaas ng mamamayan ang kamalayan sa kahalagahan ng pagkain at tulungan ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura.
Paanyaya din ni Father Pascual sa mamamayan na sama-samang ipagdasal na mabigyan ng prayoridad ang agri-sector na itinuturing na pinaka-mahirap na sektor sa bansa.
“Ang Philippine Food Month sa buwan ng Abril ay isang napakagandang selebrasyon upang itaas natin ang ating kamalayan sa kahalagahan ng pagkain, una sa lahat ipagdasal po natin ang ating Agri-sector na ito’y mabigyan ng prayoridad ng gobyerno at matulungan natin ang ating mga farmers at fisherfolks na umani ng mas marami at hindi na tayo na mag-iimport ng pagkain, sapagkat agri-sector tayo, dapat mayaman tayo sa mga pagkain ng lupa at ng dagat,” pahayag sa Radio Veritas ni Father Pascual.
Hinimok din ng Pari ang mamamayan na tangkilikin ang mga gulay, prutas at iba pang pagkain na hindi mula sa mga hayop na nagpapagaling at nagpapahaba sa ating buhay.
Ibinahagi ng pinuno ng Caritas Manila na 80-porsiyento ng foodborne diseases ay mula sa karne o pagkain na mula sa hayop.
“Pangalawa mahalaga din sa ating pagpapahalaga sa buwang ito na ang pagkain na kumain tayo ng mga pagkaing magpapalakas sa atin, magpapagaling, magpapahaba ng buhay, ay ito po ay ang mga pagkaing walang mukha, tulad ng vegetable, fruits, grains, nut, legumes, at bawasan po natin ang mga pagkain na may mukha, mga hayop yan at yan po ay nagdudulot ng sakit sa atin 80% ng sakit natin ay galing sa pagkain foodborn, kaya’t nawa maging malusog tayo sa isipan, pangangatawan at kaluluwa at kumain tayo ng mga pagkain na magpapagaling, magpapahaba ng buhay, magpapalakas sa atin,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual.
Tema ng Filipino Food month 2024 ay “Kalutong Filipino, Lakas ng Kabataang Makabago”.