221 total views
April 3, 2020, 5:02PM
Hinikayat ng Obispo ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental ang bawat isa na magsagawa ng Spiritual Adoption upang ipanalangin sa Panginoon ang kapakanan ng lahat lalo na mula sa pandemic na Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Ayon kay San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, Vice-Chairman ng CBCP NASSA / Caritas Philippines, ang pananalangin ay isang makapangyarihang sandata sa anumang sitwasyon o hamon sa buhay tulad sa hinaharap ng buong daigdig mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Ipinaliwanag ng Obispo na alam ng Panginoon ang nilalaman ng puso at panalangin ng bawat isa bagamat walang partikular na detalye sa katauhan ng taong ipinagdarasal tulad ng mga makasalanan at mga frontliners na patuloy na ginagampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng banta ng COVID-19.
“alam naman yan ni Lord, yung mga details siguro hindi nila alam basta yung intention is important that it’s for them wherever they are, whoever they are. Kahit wala pa ang virus we could always pray for conversion of sinners so even we do not know who are the sinners, those who are travelling we do not know who are they but can always intercede for their safety, kaya kapag sinasabi nating mga frontliners we don’t know their names but we pray for them so mahalaga din yun”. pahayag ni Bishop Alminaza sa panayam sa Radyo Veritas.
Matatandaang inilaan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang ika-limang linggo sa panahon ng Kuwaresma bilang “Special Day of Prayer” para sa mga medical frontliners sa gitna ng COVID-19.