1,941 total views
Hinimok ni Father Anton CT Pascual – Chairman ng United Church Cooperatives at Minister ng Ministry on Cooperatives and Social Enterprise Development (MCSED) ang mamamayan na palalimin ang kanilang kaalaman at makibahagi sa mga kooperatiba.
Ito ang mensahe ng Pari sa nalalapit na paggunita ng World Cooperative Day sa July 01.
Ayon kay Father Pascual, sa tulong ng mga kooperatiba, maaring mapaunlad ng isang mamamayan ang kanilang kabuhayan at makaahon sa kahirapan.
Ito ay dahil sa tulong ng mga kooperatiba higit na ng mga Church-based cooperatives, ay sama-samang napapaunlad ang kita ng mga miyembro tungo sa hangarin ng pag-unlad.
“Palakasin natin ang diwa at prinsipyo ng kooperatibismo na sama-samang pagkilos sa ating mga pangangailangang pinansyal at kabuhayan naway ang ating mga kooperatiba ay limakas sa bansa lalung-lalu na sa ating mga simbahan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Sa naunang paglulunsad ng MCSED ngayong taon, una naring naging mensahe ni Father Pascual higit na para sa mahihirap na makiisa sa mga kooperatiba upang makaahon sa kahirapan.
Ito ay dahil nakapaloob sa mga polisiya ang disiplina sa paghawak ng pinagsama-samang yaman ng mga miyembro at pagtutulungan upang higit itong mapalago.
Batay sa datos ng Cooperative Development Authority (CDA) umaabot na 12-milyong Pilipino ang miyembro ng 12-libong rehistradong kooperatiba sa Pilipinas.