420 total views
Mayroong pananagutan ang bawat isa sa kapwa maging sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty (PDLs) na nagkasala sa lipunan.
Ito ang ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care kaugnay sa layunin ng online program ng komisyon na may titulong ‘Narito Ako, Kaibigan Mo!’.
Ayon sa Obispo, layunin ng online program ng komisyon na ibahagi sa mas nakararami ang mga ginagawa ng prison ministry ng Simbahan at ipaalala sa bawat isa ang pananagutan sa kapwa maging sa mga PDLs na nakagawa ng pagkakasala.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na patuloy na inaanyayahan ng Simbahan ang bawat isa na makibahagi sa misyon ng prison ministry upang ipadama sa mga PDLs ang pagmamahal ng Panginoon maging sa kanilang pamilya.
“Ito [mga ibinabahagi] ay karanasan, hindi yung parang galing sa isipan mo out of the blue, karanasan yun and this is exactly what we would like [to promote] among ourselves. Ito ang value ng ‘Narito ako Kaibigan mo’ we are not just talking about what we are doing, we are inviting people to join us for them to honor that this ministry is everyone else’s responsibility.” pahayag ni Bishop Baylon
Unang ibinahagi ng Obispo na hindi matatawaran ang adbokasiya at pangarap ng prison ministry ng Simbahang Katolika para sa ikabubuti ng mga Persons Deprived of Liberty gayundin sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay sa labas ng bilangguan.