389 total views
Sapat ang kayamanan ng mundo para sa lahat ng tao.
Ito ang binigyan diin ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa isinagawang Radio Veritas at Caritas Manila Alay Kapwa Telethon ngayong araw.
Ayon sa obispo, bawat isa ay hinihikayat na magbahagi ng kanilang biyaya para sa mga higit na nangangailangan lalu na ngayong patuloy na naapektuhan ang marami dulot ng pandemic novel coronavirus.
“Lalung-lalo na ngayong panahon ng pandemic kailangan po talaga nating magtulungan tayo. Kasi ang daming mga tao ang talagang nahihirapan nawalan ng pagkain dahil sa walang trabaho,” ayon kay Bishop Pabillo.
Hiling din ng obispo sa bawat isa na huwag magsawa sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan na pinalubha pa ng pandemya.
“Let us look at ourselves as instrument of God’s love for the people yung pagtutulungan,” ayon pa kay Bishop Pabillo.
Hinimok din ng obispo ang lahat na iwaksi ang donor fatigue lalu’t hindi naman kasalanan ng publiko ang pandemya.
“As long as we are able let us try to help them. At ang Diyos ay hindi naman magpapabaya sa atin.” Panawagan ng Obispo
Sa pinakahuling panuntunan ng Inter-Agency Task Force, muling isinailalim sa mahigpit na panuntunan ang National Capital Region, mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus.
Hinikayat din ni Caritas Philippines-national director, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mananampalataya na makiisa sa ‘Alay Kapwa’ ng simbahang katolika.
Ang Alay Kapwa ay bahagi ng programa ng simbahan nagsimula pa noong Kwaresma na makalikom ng pondo para sa pagbibigay ng tulong sa mga posibleng biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, sunog at maging sa epekto ng pandemya.
“Kaya panawagan natin sa ating Alay Kapwa ay ating nagagamit at ating ibinibigay kapag may calamities at disasters kaya yung ating panawagan na sa pamamagitan ng ating Alay Kapwa natutulungan natin ang ating kababayan at maaring pagdating ng panahon tayo rin ang mangangailangan ng tulong mula sa Alay Kapwa. Kaya ‘yan ang ating panawagan lalung-lalo na ngayong Kuwaresma na mag-alay tayo para sa ating kapwa,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Isinagawa naman ng Caritas Manila at Radyo Veritas ang Alay Kapwa Telethon ngayong araw na nagsimula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Sa mga nais na magbahagi ng tulong ay maaring magpadala ng kanilang donasyon sa Caritas Manila bank accounts: Acct. Name: Caritas Manila Inc BPI Peso S/A # 3063 5357 01 BPI Dollar S/A # 3064 0033 55 BDO Peso S/A #: 000560045905 Metrobank Peso S/A # 175 3 17506954 3.
Dagdag pa ni Bishop Bagaforo, bahagi ng pananampalatayang kristiyano ngayong Semana Santa ang panawagan hindi lamang para sa pananalangin at pag-aayuno kundi higit ay ang pagkalinga sa kapwa.
Ipinaliwanag ng Obispo na magiging makahulugan ang pananampalataya kung ito ay may kaakibat na pagmamalasakit sa kapwa lalu na sa nangangailangan.
Kabilang sa mga apektado ng ECQ ang pagkakakitaan ng mga nawalan ng pagkakakitaan kasama na ang mga non-essential workers.