7,216 total views
Inaanyayahan ni Father Robert Reyes, nangangasiwa sa church-based social justice group na ‘Solidarity for Truth and Justice’ ang mamamayan na makiisa sa pagkilos na ‘Bandila at Kandila para sa Soberanya at Kapayapaan’.
Sa launching ng gawain sa Sacred Heart Parish – Shrine sa Kamuning Quezon, hinikayat ng pari ang mga Pilipino na mag-alay ng panalangin araw-araw tuwing ala-sais ng gabi, magtirik ng kandila at maglagay ng watawat ng Pilipinas sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa Pari, ito ay upang mapaigting ang pamamagitan sa Diyos at dinggin ang panalangin ng mga Pilipino na itigil na ng China ang patuloy na pang-aangkin sa West Philippine Sea.
“At ang ating bansa ay talaga pong tinuturo araw-araw para tayo ay bumigay, gumanti, ay magsimula sila ng gulo, pero hindi, hindi tayo mapipikon, hindi tayo patitinag, pero lalaban tayo sa isang mapayapa at demokratiko at diplomatikong paraan, ang ating mga sandata ay hindi galit, hindi armas, hindi bisig kungdi panalangin, kaya kandila, madasalin ang mga Pilipino,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Reyes.
Sa pamamagitan nito, naniniwala si Father Reyes na mapapalalim pa ang kaalaman ng mga Pilipino hinggil sa mga kinakaharap ng lipunan tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho at hinaing ng mga manggagawa na itaas ang suweldo.
Ibinahagi din ni Fr.Reyes na tuwing biyernes ay idadaos ang misa sa ibat-ibang parokya sa Arkidiyosesis ng Maynila, Diyosesis ng Cubao at iba pang karatig na Diyosesis hanggang sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Puso ni Hesus sa ika-pito ng Hunyo.
Ito ay upang patuloy ipinanalangin ang pang-aangkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas, pananatili ng kapayapaan, kabutihin ng mamamayan at kaligtasan ng bawat isa mula sa ibat-ibang suliranin sa lipunan.
“Araw-araw ala-sais ng gabi, magsindi ng kandila, iwagayway ang kandila at sabihing ‘China! Bumalik na kayo, please go back to where you belong, you don’t own the West Philippine Seas, you invented the 9-dash line, we own this, our ancestors owned this, the Filipinos, before pre-history pa, already fish enjoy the waters of our beloved country, our West Philippine Seas,’ Atin ito! manalangin lang tayo mga kapatid, wag tayong matakot, sindihan ang kandila, iwagayway ang bandila sa araw-araw hindi tayo pababayaan ng Panginoon,” ayon pa sa panayam kay Fr.Reyes
Ngayon darating na Linggo, May 12, inaanyayahan din ni Father Reyes ang mga nais makalikahok na mamamayan na sumali sa ‘BandeRUN’ na fun run initiative bilang pagpapatuloy ng paninindigan at pagpapalalim sa kaalaman ng mga Pilipino hinggil sa inaangkin na teritoryo.