546 total views
Hinimok ng deboto ng Nuestra Señora de Peñafrancia ang mamamayan na lalung palalimin ang pagdedebosyon sa Mahal na Ina.
Ito ang mensahe ni Bro. Francis Lajola, in-charge ng Peñafrancia festivities ng Most Holy Trinity Parish, Balic-balic Manila sa ginanap na ‘Pagsungko ni Ina’ nitong September 17, 2022 na sinundan ng Bicolano Mass na pinamunuan ni Fr. Joebert Fernandez.
Ayon kay Lajola ang pagdiriwang sa kapistahan ng Birhen ng Peñafrancia ay paanayaya sa bawat isang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Ina.
“Patuloy ko po kayong inaanyayahan na palalimin ang debosyon sa ating Mahal na Ina lalo na ang ating bansa ay tinatawag na Pueblo Amante de Maria o isang bayang umiibig kay Maria; at patuloy nating ialay kay Hesukristo ang ating mga sarili sa pamamagitan ni Maria,” pahayag ni Lajola sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ni Lajola na ang pagsasagawa ng misa nobenaryo, prusisyon at iba pang liturgical activities sa karangalan ng Mahal na Birhen ay paghahayag ng paggalang, pagmamahal at pagpaparangal sa ina ni Hesus at tagapamagitan ng tao sa bugtong na Anak ng Panginoon.
Matagumpay ang isinagawang ‘Pagsungko ni Ina’ motorcade procession sa mga parokyang sakop ng Vicariate of Our Lady of Loreto ng Archdiocese of Manila na dinaluhan ng mga deboto ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia na nakabase sa kalakhang Maynila.
Ito na ang ikatlong taon ng pagsasagawa ng motorcade procession sa imahe ng patron ng Bicol region na unang ginanap noong September 2020 habang umiiral ang lockdown bunsod ng COVID-19 pandemic.
Pinasalamatan ni Lajola ang mga dumalo sa prusisyon at tiniyak ang patuloy na panalangin sa Panginoon sa tulong ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia.
“Sa lahat pong nakidalo at nakiisa sa ‘Pagsungko ni Ina’ ang motorcade procession na ating ginawa sa loob ng bikaryato ng Our Lady of Loreto maraming salamat po sa pagpapakita ng inyong maalab na pagmamahal at pagdedebosyon sa ating Mahal na Ina Nuestra Señora de Peñafrancia…patuloy po namin kayong sinisiguro ng aming mga panalangin at nawa ang Mahal na Ina ang magbantay at mangalaga sa inyong mga pamilya,” dagdag pa ni Lajola.
Kabilang sa mga simbahan at lugar na dinalaw ng imahe ng Mahal na Ina at Divino Rostro ang Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto; Shrine of Saint Anthony of Padua; San Roque de Sampaloc Parish; Nuestra Senora del Perpetuo Socorro Parish; Santisimo Rosario Parish; Nuestra Senora de Salvacion Parish; Our Lady of Fatima Parish; Sacred Heart of Jesus Parish; at ang Manila City Hall.
Bukod kay Lajola nagsilbing priest in-charge din ng pagdiriwang si Bicolano priest Fr. Joebert Fernandez, guest priest ng Balic-balic Church at Spiritual Director ng mga pamilyang deboto ng Our Lady of Peñafrancia.