29,882 total views
17 taon na ang Diocese of Antipolo na nagsasagawa ng feeding program sa iba’t ibang parokya na nasasakupan ng lalawigan ng Rizal at lungsod ng Marikina.
Ito ang ibinahagi ni Ms. Mona Valencia ng Social Action Center ng Diocese of Antipolo sa pagpapatuloy ng kanilang programa para sa bata na kulang sa timbang at mga nanay na nagpapasuso.
Ipinagmalaki ni Valencia na umaabot sa 1,600 na mga kabataan at mga nanay ang kanilang nasuportahan ng masustansiyang pagkain sa loob ng nakalipas na anim na buwan.
“17 years na namin itong ginagawa. Since 2006, kaya ito ay isang konkretong programa na ini-aalok namin sa mga Parokya. kumbaga ay subok na natin. Kabisado na natin yung takbo at ang nakakatuwa nito, nakikita natin yung suporta ng mga Pari. Lalong lalo na ngayong panahon ng mahal na araw.” pahayag ni Valencia sa panayam ng programang Caritas in Action sa Radyo Veritas.
Hinikayat ni Valencia ang mga mananampalataya na suportahan ang Fast2Feed Campaign ng Pondo ng Pinoy ngayong panahon ng kuwaresma upang lalo pang mapagtibay ang nasabing programa ng Simbahan na tinatawag na HapagAsa.
layunin ng Fast2Feed na makalikom ng pondo mula sa mga natitipid ng mga mananampalataya mula sa pag-aayuno sa apatnapung-araw ng kuwaresma.
“Sa ngayon, talagang pino-promote natin yung Fast 2 Feed dahil nga ngayon ay mahal na araw. Ito yung pagkakataon na pagbibigay suporta sa ating programa”dagdag pa ni Valencia, ang lay Coordinator ng HapagAsa Program sa Diocese of Antipolo.
Naunang hinikayat ng Simbahang Katolika ang mga Katoliko na ang kanilang mga maiipon mula sa pag-aayuno o pagliban ng isang kain sa isang araw ay ibahagi para sa mga nagugutom sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga programa tulad ng HapagAsa.
Maliban sa Diyosesis ng Antipolo ay aktibo rin sa pagpapatupad ng kahalintulad na programa ang iba’t-ibang Diyosesis sa Metro Manila at maging sa mga probinsya sa Pilipinas.