11,793 total views
Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang mamamayan na gunitain ang Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon na may pag-asa tungo sa pagkakaisa at pag-unlad sa mga pamayanan.
Ayon kay Abalos, ipinapaalala ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang bagong simula upang harapin at malampasan ang anumang mga pagsubok.
“Easter’s message of resurrection and new beginnings reminds us that, together, we can overcome challenges and build a brighter future for all,” pahayag ni Abalos.
Umaasa ang kalihim na ang panahong ito’y mag-udyok sa lahat upang patuloy na magnilay at kumilos nang may paggalang sa kapwa.
Hinikayat din ni Abalos ang bawat isa na magtulong-tulong upang makamit ang inaasam na pagbabago at mga layunin para sa ikabubuti ng bansa.
“Together, let us commit to building bridges of understanding and empathy, so that we may move forward as one, united in our shared humanity, towards the continued progress of our country,” ayon kay Abalos.
Nagpapasalamat naman ang DILG sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at volunteers na magkakatuwang na kumilos upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mamamayan at mananampalataya sa paggunita sa Semana Santa ngayong taon.
Unang inihayag ni Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao na sa pagdiriwang ng Pasko ng muling pagkabuhay ni Hesukristo ay patuloy na isabuhay ang diwa ng synodality upang sama-samang magsikap na gawin ang makakayanan para sa ikabubuti ng sambayanan.