460 total views
Pinaalalahanan ng Military Ordinariate of the Philippines ang mamamayan na maging alerto sa anumang oras upang makaiwas sa masasamang tao.
Ito ang apela ni Bishop Oscar Jaime Florencio kasunod ng mga naiulat na kidnapping at krimen sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ibinahagi ng obispo na sa kanyang pakikipag-usap sa mga kawani ng Philippine National Police ay maituturing na isolated case ang mga naitalang insidente ngunit mainam na pa rin ang pagiging mapagmatyag.
“Maybe this is an isolated case however mas maganda na may precautionary measures tayo dahil ito ay totoong nangyayari sa lipunan,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Tiniyak ng Military Bishop sa mga Pilipino na kumikilos ang mga alagad ng batas sa pangunguna ng PNP para masugpo at mapigilan ang anumang uri ng karahasan at gawaing masama sa bansa na banta sa kaligtasan ng mamamayan.
“Let us be aware and not be alarmed because the police are doing their best to address this situation,” ani Bishop Florencio.
Sa isang press briefing nitong August 22 sinabi ni PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr.na pinaigting ng mga pulis ang imbestigasyon sa naiulat na mga kaso ng kidnapping na viral sa social media platforms.
Sinabi ni Azurin na malaking tulong sa imbestigasyon ang mga larawan at video sa social media bilang ebidensya.
Tiniyak ng PNP Chief na iniimbestigahan ng P-N-P ang mga kaso ng pandudukot sa pagitan ng June 17 at July 4 sa iba’t ibang lugar sa Plipinas.
Kamakailan ay naglabas ng info-graphic ang PNP para maiwasang mabiktima ng ‘Van Kidnapping’.
Apela ni Bishop Florencio sa mamamayan lalo na sa mga magulang na tiyaking nakarating sa eskwelahan ang mga anak o alam ang kinaroroonan lalo’t sinasamantala ng masasamang tao ang unang linggo ng face to face classes ng mga kabataan.
“Let us just be preventive. To the parents, guardians, and everyone else, let us be vigilant, and they should know where their child is and then take precautionary measures,” ani Bishop Florencio.