12,725 total views
Isinulong ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto ang pamamayani ng kapayapaan sa pamamagitan ng mga panitikan na inilimbag ng mga magagaling na manunulat ng Pilipinas.
Ito ang mensahe ni Bishop Presto, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal
Commission on Catechesis and Catholic Education sa paggunita ngayong Abril bilang Buwan ng Panitikan.
Umaasa ang Obispo na yakapin ng mga kabataan ang pagsusulong ng kapayapaan hindi lamang sa Pilipinas kungdi maging sa buong mundo.
“Kaya nga magbasa po tayong mga kabataan gayundin sa mga katandaan, upang mabalikan natin ang mind ng mga manunulat o panahon na kanilang kinabibilangan, lugar na kinabibilangan. At sa panahon ating balikan ang tema, ang panitikan at ang kapayapaan, ito ay ayon sa ating mga nababasa, isang makahulugang pagtuklas sa mundo ng panitikan para sa kapayapaan at kapayapaan mula sa panitikan, may mga ibat-ibang kwento, tula na mayroon sa mga panitikan na may kinalaman sa kapayapaan,”paalala ni Bishop Presto.
Hinimok ni Bishop Presto ang mga mag-aaral at mamamayang Pilipino na basahin ang panitikang Pilipino upang patuloy na magamit at mailimbag para sa susunod na henerasyon na makilala ang mga manunulat na nakipaglaban para sa kapayapaan o paglaya ng Pilipinas.
Panalangin ng Obispo na sa tulong ng pamahalaan ay maiwaksa ng mga kabataan ang anumang hangarin na magdudulot ng hindi pagkakasundo, kaguluhan at karahasan.
“Lalo na para sa kapayapaan sa ating komunidad na ating kinabibilangan, kaya’t ito ay napakahalaga din para sa mga mag-aaral na makita, mabasa at mapagnilayan, ang ibat-ibang panitikan na isinulat ng ating mga ninuno na may mga mensahe sa kahalagahan ng kapayapaan kung saan ay ninanais na iparating ang mensahe sa pamamagitan ng ibat-ibang panitikan,” panalangin ni Bishop Presyo ngayong Buwan ng Panitikan.
Sa bisa ng Proclamations No.968 noong 2015, itinakda ang buwan ng Abril bilang paggunita sa Buwan ng Panitikan
Ngayong taon, tema ng paggunita ‘Ang Pantikan at Kapayapaan’ kung saan layunin ng Komisyon sa Wikang Filipino, National Commission for Culture and the Arts at National Book Development Board – Philippines na mapalalim ang kaalaman ng mga Pilipino at kabataan sa paggamit ng panitikan sa pagsusulong ng kapayapaan.
Sa pandaigdigang pagkilos ng Economy of Francesco Movement, nakiisa ito sa ‘Reading Marathon’ ng iba’t-ibang panitikan na para sa kaligtasan ng mga kababaihan sa Iran at Afghanistan noong nakalipas na taon at pagsusulong ng kapayapaan sa mga lugar na nagpapatuloy ang digmaan.