469 total views
Hinimok ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na bisitahin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa paggunita ng Undas 2022.
Ayon sa Obispo, muling pinahintulutan ang pisikal na pagdalaw sa mga sementeryo matapos ang dalawang taong pagbabawal ng dahil sa banta ng COVID-19.
“Hingin din natin sa Diyos na sana maging maganda ang panahon sa panahon ng undas, na hindi naman tayo mabasa at hindi tayo magkasakit, at patuloy lang tayong umiwas sa COVID,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Hinikayat din ng Obispo ang mananampalataya na magsimba muna bagodadalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang mag-alay ng panalangin.
Paalala pa ni Bishop Pabillo na hindi pinahintulutan ang pananatili ng matagal sa mga sementeryo dahil sa banta ng COVID-19.
“Sana po ay makadalaw tayo sa ating mga mahal sa buhay na nauna na sa na sa atin upang magdasal po sa sementeryo kaya wag na muna tayong manatiling matagal doon dahil sa panahon at dahil din sa nandiyan pa yung COVID, pero magandang dumalaw tayo sa sementeryo at magdasal,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Upang matiyak na iiral ang mga COVID-19 Protocols at kaligtasan ng mga bibisita sa sementeryo ay aabot sa 192-libong Philippine National Police Uniformed Personnel ang itinalaga sa ibat-ibang sementeryo sa buong bansa.