176 total views
Muling isinusulong ng Radio Veritas ang Kilusang Plant-based Diet bilang pagtataguyod sa pagkakaroon ng malusog at malakas na pangangatawan.
Ito’y matapos na maitala ng Pilipinas ang pinakamataas na bilang ng mga nasawi nitong 2021 dulot ng iba’t ibang karamdaman kabilang na ang coronavirus disease.
Ayon kay Father Anton CT Pascual, pangulo ng himpilan, isa sa mga tinitingnang sanhi ng pagkakaroon ng sakit ng isang tao ay ang labis na pagkain ng mga karne ng hayop tulad na lamang ng baboy.
“Alam naman nating 84-percent ng kinakain natin ang siyang sanhi ng sakit natin. Anong pagkain ito? Ito nga po’y mga pagkain na may mukha, mga animal-based na pagkain,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Veritas Patrol.
Kaya naman hinihikayat ng pari ang bawat mananampalataya na sikaping kumain ng mga pagkaing walang mukha tulad ng mga prutas at gulay na hindi lamang magdudulot ng kalakasan sa katawan, kundi pampahaba rin ng buhay.
“Kumain ng mga pagkaing walang mukha tulad ng gulay at prutas. Mga nuts, grains, legumes, mga kamote, at iba pang lamang lupa na mga tanim natin. ‘Yan po ang ating mga kinakain sapagkat sila po ay nagpapalakas. Oxygenated ang ating mga plants at nagpapagaling at nagpapahaba ng buhay,” ayon sa pari.
Payo pa ni Fr. Pascual na nawa’y pangalagaan at igalang ng bawat isa ang sariling pangangatawan dahil ito’y itinuturing ding templo ng espiritu santo.
“Sabi nga sa 1 Corinthians:6, “Alagaan natin ang ating katawan sapagkat nasa atin ang Panginoon”” saad ni Fr. Pascual.
Batay sa tala ng Commission on Population and Development (PopCom) nangungunang sanhi ng pagkamatay ng Filipino ay ang ischemic heart disease na aabot sa 110,332 ang nasawi mula Enero hanggang Oktubre 2021.
Pumapangalawa naman rito ang COVID-19 na umabot sa 75,285 ang nasawi noong nakaraang taon, mas mataas kumpara noong Marso hanggang Disyembre 2020 na umabot lamang sa 30,140.
Kabilang pa sa mga dahilan ng pagkamatay mula 2020 hanggang 2021 ay ang cerebrovascular disease, hypertension, at diabetes mellitus.