1,321 total views
Hinimok ni Father Anton CT Pascual – Caritas Manila Executive Director ang bawat mamamayan na magtulungan at maging handa sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Nika.
Ayon sa Pari, handa ang Caritas Manila na tugunan ang pangangailangan sakaling maging mapaminsala at madami ang masalanta ng Bagyong Nika.
Gayundin ang mensahe ni Fr.Pascual hinggil sa kahalagahan ng pagtutulungan ng mga mamamayan, pamahalaan at Non-Government Organization upang sama-samang umagapay sa mga masasalanta ng bagyo.
“Atin pong ipagdasal kapanalig ang mga kababayan natin dito sa bandang Luzon na kakatapos pa lang ng mga nakaraang Bagyo, tulad ng Kristine, Leon, Marce narito nanaman po at mukhang darating ang Bagyong Nika, naway ipagdasal po natin sila na walang mapinsalang gaano, walang mamamatay na kababayan natin at agad tayong makaahon,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Pascual
Panalangin naman ng Pari na nawa, hindi lubhang makaapekto ang Bagyong Nika sa Panahon dahil sa pangambang muli nitong maapektuhan ang kabuhayan o mga tahanan ng mga Pilipinong bumabangon pa lamang sa pananalasa ng mga nakalipas na Bagyong Kristine, Leon at Marce.
Nawa ayon pa sa Pari ay magkaroon ng sapat na pakikipag-ugnayan higit na ang mga pinakamahihirap sa kanilang mga Local Government Units upang kagyat ang maging paglikas sakaling maranasan ang mga pagbaha, pagguho ng lupa at landslides ng dahil sa bagyong Nika.
“Pagdasal din natin ang ating mga mahihirap na lumikas agad lalung-lalu na sa mga panahong ito ng La Niña, hanggang Disyembre pa yan, sa Mindanao naman hanggang Enero kaya’t tayo po ay magkapit bisig at nawa mas maraming magtulong-tulong, government, NGO, simbahan, Caritas Manila na maibsan ang paghihirap ng mga magiging biktima at inaangkin natin ang kaligtasan ng lahat, alang-ala kay Kristo.” bahagi pa ng panayam kay Fr.Pascual
Ngayong Araw, November 10, pasado alas-dos ng hapon ay itinaas na ang Signal No.2 sa Hilagang Silangan ng Pangasinan, Hilagang Bahagi ng Nueve Ecija, Silangang Bahagi ng Benguet, Hilaga ng Aurora, Katimugan ng Cagayan, at mga lalawigan ng Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, Mountain Province at Ifugao
Signal No.1 naman sa Silangan ng Quezon Province kabilang na ang mga lugar ng Pollilo Islands, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Hilaga at Gitnang Zambales, Nalalabing bahagi ng Nueva Ecija, Silangan ng Laguna, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal at Babuyan Islands
Huling namataan ang Sentro ng Bagyo sa layong 425-klm ng Silangan ng Infanta Quezon na tinatahak ang direksyon pa-kanluran sa bilia na 30/kmh taglay ang lalakas na aabot sa 110/kmh at pagbugso na aabot naman sa 135/kmh