32,161 total views
Muling inanyayahan ng Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ang bawat isa na magbahagi ng biyaya, kaligayahan at kagalakan sa kapwa lalo’t higit para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa papalapit na pasko.
Ito ang paanyaya ng PJPS na pinamumunuan bilang executive director ni Rev. Fr. Firmo “Jun-G” Bargayo, SJ kaugnay sa panibagong inisyatibo ng organisasyon na tinaguriang ‘Give Joy on Christmas Project’ para sa mga PDLs.
Ayon sa PJPS, ang pasko ay panahon ng pagbibigayan at pagmamahalan na higit na magiging makabuluhan kung ibabahagi din ito sa mga nangangailangan at mga kapos palad tulad ng mga PDLs na kadalasan ay naisasantabi sa lipunan dahil sa kanilang nagawang pagkakamali at kasalanan sa buhay.
“As our hearts are filled with gratitude and excitement for the Christmas season, the joy of giving becomes even more meaningful. We, at the Philippine Jesuit Prison Service Foundation, Inc. (PJPS), are thrilled to extend our warmest greetings and an invitation to join us in the simple initiative Give Joy on Christmas Project.” Ang bahagi ng paanyaya ng PJPS.
Layunin ng proyekto na makapagkaloob ng simpleng handa partikular ng mga spaghetti at fruit salad packages upang mapagsaluhan ng may 34,000 bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City para sa darating na noche buena at media noche.
Nasaaad sa official Facebook page at website ng Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ang iba’t ibang mga paraan upang makapagpaabot ng tulong at suporta sa nasabihing programa para makapagbahagi ng biyaya at simpleng kagalakan sa mga PDLs.
Una ng nakapagkaloob ng mga hygiene kits at ointment ang PJPS para sa mga bilanggo bilang paggunita ng 36th Prison Awareness Week noong huling linggo ng Oktubre, 2023.
Ang Philippine Jesuit Prison Service (PJPS) ay ang socio-pastoral apostolate ng Society of Jesus (Philippine Province) na nagkakaloob ng iba’t ibang mga serbisyo at programa tulad ng holistic rehabilitation sa mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty.