225 total views
Hinihikayat ng pamunuan ng Radio Veritas ang mga kapanalig na agad magpabakuna laban sa coronavirus disease.
Ayon kay Radio Veritas President Fr. Anton CT. Pascual, ito lamang ang paraan upang malunasan na ang patuloy na paglaganap nang nakahahawa at nakamamatay na virus na lubos nang nagpapahirap sa buong mundo.
“Mga kapanalig, tayo ay magpabakuna sa lalong madaling panahon. ‘Yan lang ang paraan upang matapos na ang pandemyang ito,” mensahe ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ng pari ang pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na moral na obligasyon ng bawat mamamayan at mananampalataya na mabakunahan laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Fr. Pascual na ito’y paraan upang maipalaganap sa buong mundo ang kaligtasan sa nakahahawa at nakamamatay na sakit at hindi na magdulot pa ng kapahamakan sa nakararami.
“Sinabi ng Santo Papa Francisco na moral na obligasyon ng lahat na mabakunahan upang maligtas tayo at hindi maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19,” ayon kay Fr. Pascual.
Samantala, payo naman ng pari sa mga kapanalig na magpunta lamang sa malapit na barangay health centers o lokal na pamahalaan upang agad na makapagpa-rehistro at makakuha ng COVID-19 vaccine.
Nakumpleto na ni Fr. Pascual ang una at pangalawang dose ng Sinovac vaccine laban sa COVID-19 na batay sa naging karanasan ng pari ay walang naramdamang anumang adverse o side effects.
Magugunita noong Marso 2021 nang magpositibo ang pari at ilang opisyal at kawani ng Caritas Manila sa COVID-19.
Si Fr. Pascual na siya ring Executive Director ng Caritas Manila ay naging aktibo sa pagtugon sa mga pangangailangan dulot ng COVID-19 sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga COVID-19 kits, 1.5-bilyong pisong “Gift Certificates” at Caritas Manna packs sa mahigit kumulang 6-milyong indibidwal.