1,748 total views
Makiisa sa mga inisyatibo ng pamahalaan upang matiyak na hindi lubhang maapektuhan ng El Niño ang sektor ng agrikultura.
Ito ang paalala ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa mamamayan higit sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura na inaasahang labis na maapektuhan ng matinding tag-init.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pakikiisa sa mga kagawaran o ahensya ng Department of Agriculture, Department of Science and Techonology at PAGASA Weather Forecasting center dahil sila ang nangunguna sa mga paghahanda para tiyakin ang maunlad na produksyon at sapat na suplay na tubig para sa mga agricultural product.
“Una magdasal po tayo sa Panginoon, siya ang tunay nakakaalam ng lahat! Alam natin na hindi niya tayo pababayaan, Biyaya po yan na dapat nating gamitin ng mabuti ayon sa pangangailangan ng lahat makipagtulungan sa lahat ng sector ng ating gobyerno lalo na sa DA, DOST, at PAGASA upang mas marami po tayong tutugon sa problemang hinaharap,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Bukod sa pananalangin para sa ikabubuti ng sektor, hinimok rin ng Obispo ang mamamayan na ugaliin ang pagtitipid sa suplay ng tubig at pagwawaksi sa pag-aaksaya dahil inaasahang hanggang sa 2024 iiral ang El Niño.
Unang tiniyak ng DA ang mga paghahanda laban sa matinding tag-init katulad ng pakikipagtulungan sa mga Local Government Units (LGU) at pribadong sektor upang pagbutihin ang mga irrigation system sa mga taniman lalu sa ‘most vulnerable areas’ sa bansa.
Itinatag narin ang DA’s National El Niño Team (DA-NENT) upang makipag-ugnayan sa iba pang sangay ng pamahalaan at mapatibay ang pangangalaga sa sektor ng agrikultura mula sa banta ng tagtuyot.