1,923 total views
Hinimok ng Healthcare Commission ng simbahan ang bawat isa na makibahagi sa pagbibigay ng wastong nutrisyon sa mga mahihirap na pamilya lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, ito’y upang matugunan ang patuloy na kagutuman at malnutrisyon sa bansa na ang higit na apektado ay mga bata.
Sinabi ni Fr. Cancino na ang pagiging bukas ng puso’t kalooban ng bawat isa sa pagtulong ay malaking bagay na upang maipadama ang pagmamalasakit at pag-ibig ng Diyos sa mga higit na nangangailangan.
Ang mensahe ng pari ay kaugnay sa paggunita sa 2023 National Nutrition Month na may temang Healthy Diet gawing affordable for All.
“Sa palagay ko ang pagbibigay natin ng tamang pagkain, tamang nutrisyon sa mga bata ay ang pagpapahalaga rin ng pagkain hindi lang ng katawan pero ng puso at ng kaluluwa. Ito ay simbolo ng ating pag-ibig para sa mga minamahal ng ating Panginoong Diyos,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ni Fr. Cancino na ang pagdiriwang sa nutrition month ay hindi lamang para sa kalusugan ng katawan, kun’di para din sa pagpapabuti ng espiritwalidad.
Ayon sa opisyal ng CBCP, ang layuning tulungan ang mga dukha na maibsan ang pinagdaraanan tulad ng kagutuman ay napapanibago ang malalim na pakikipag-ugnayan sa Panginoong Diyos.
“Ang nutrition month din ay pagpapaigting ng spirit ng community kasi kapag tayo ay tumutulong lalong lalo na sa mga nagugutom, sa mga malnourished, kapag tayo ay umaabot sa kanila, napapalalim din natin at napapalakas yung communitarian spirit,” ayon kay fr. Cancino.
Kabilang sa mga programa ng simbahan ang HAPAGASA Integrated Nutrition Program ng Pondo ng Pinoy na layong maibsan ang kagutuman at malnutrisyon sa mga mahihirap na pamilya lalo na sa mga kabataan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Taong 2005 nang ilunsad ang HAPAGASA kung saan umabot na sa higit dalawang milyong mga bata ang natulungan upang makaahon mula sa malnutrisyon.