634 total views
Hinimok ng arsobispo ng Maynila ang mamamayan na paigtingin ang pakikinig sa kapwa upang malaman ang katotohanan.
Ito ang mensahe ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng 56th World Communications Day.
Ikinababahala ng Kardinal ang mga karanasang dulot ng pandemya at ang krisis na dulot ng fake news na nakukuha sa social media.
“Kailangan nating maging matiyaga sa pakikinig dahil sugatan ang mundo dulot ng mahabang pandemya, mahalaga ang pakikinig dahil tila may krisis ngayon kung ano ang paniniwalaan; Hindi na lamang pandemic, may infodemic din,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng arsobispo na bukod sa tainga ay mas mahalagang makinig gamit ang puso upang higit na mauunawaan ang kalagayan ng kapwa.
Batid ni Cardinal Advincula ang iba’t ibang pangyayari sa lipunan na nararapat mapakinggan at mapagtuunan ng pansin kung saan hinamon ang bawat isa na tuklasin at ipalaganap ang mabuting balitang hatid ng Panginoon.
“Mahalagang pangangailangan ng tao ang mapakinggan – “the boundless desire to be heard.” Nararapat na kilalanin ito lalo na sa mga naatasan sa misyon ng paghuhubog at pakikilakbay – mga magulang, guro, pastol, pastoral workers, communication professionals at mga lingkod Bayan, ” ani ng cardinal.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Listening with the Ear of the Heart” na tugma sa motto ng cardinal na ‘Audiam’ na naging batayan din sa isinagawang synodality ng Archdiocese of Manila.
Tinukoy ng opisyal na manhid at marahas ang sinumang hindi marunong makinig sa kapwa.
Ipinaalala ni Cardinal Advincula ang hamon ng Panginoon sa bawat isa na maging mapagpakumbabang tagapakinig upang maibahagi sa pamayanan ang Kanyang salita.
Hinimok nito ang bawat isa na suriin ang mga napakikinggan at itaguyod ang katotohanan sa lipunan.
“Kailangang suriin ang paraan ng pakikinig natin. Kay raming tinig na humihiyaw sa ating paligid. Tiyakin natin na ang tinig ng katotohanan, katuwiran at pag-ibig ang mamayani,” giit ni Cardinal Advincula.
Ibinahagi rin ni Cardinal Advincula ang mensahe ni Pope Francis na nararapat matutuhan ng bawat isa ang mabuting tagapakinig upang maging propetang tagapagpadaloy ng katotohanan.
“Hilingin natin ang biyaya na matutunan ang mapagpakumbabang pakikinig ng Diyos upang mahubog din tayo sa kanyang pamamaraan. Kailangan makinig muna upang maging mga propeta na makapangungusap sa ngalan ng Diyos. Kay ganda ng pamamaraan ng synodality na maririnig ang tinig ng lahat bago pa man magpasya at kumilos. Nangungusap ang Espiritu Santo sa Salita ng Diyos at sa kuwentong-buhay ng bawat kabahagi ng simbahan,” saad pa ng cardinal.
Ipagdiriwang ng simbahan ang World Communication Sunday ngayong May 29 kasabay ng Kapistahan ng Pag-akyat ni Hesus sa langit.