541 total views
Inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang Kapanalig Community na makinig sa ‘Kapanalig Hour’ program na magsisimula bukas, October 1.
Ayon kay Kapanalig-in-charge Apple Estrella-ang natatanging programa ay mapapakinggan sa Radio Veritas at mapapanood sa DZRV 846 Facebook page tuwing Sabado, alas-3 ng hapon.
“Layunin ng programang ito na magabayan at mapalago ang ating pananampalataya, at para din maghatid ng kasiyahan sa mga nakikinig at sumusuporta sa ating Kapanalig Radio Community,” ayon kay Estrella.
Ang isang oras na programa ay pangungunahan ni Koi Lopez at Camille Mongcal mula sa Kapanalig Department na tatalakay sa iba’t ibang paksa na makakatulong sa pagpapatatag ng pananampalataya at mga kaalaman tungkol sa simbahang Katolika.
Ayon pa kay Estrella, “Taos puso kaming nagpapasalamat sa ating mga Kapanalig Members sa patuloy na sumusuporta sa programa ng Radio Veritas sa pamamagitan ng pagbibigay ng Pledge of Support. Ang inyong suporta sa Radyo Veritas -Kapanalig Community ay siyang nagiging instrumento upang patuloy tayong makapagpaabot ng tulong para sa ating mga kapatid na nangangailangan.”
Ang Kapanalig-ay ang pamayanan ng mga katolikong nakikinig sa Radio Veritas-ang Radyo ng Simbahan na katuwang din ng himpilan sa patuloy na pagsasahimpapawid ng mga programa ng simbahan sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang time, talent and treasure.
Ang Kapanalig Community ay inilunsad noong 1998 na pinangunahan ni Sr. Gemma Dela Cruz, FSP.
Sa kasalukuyan ang Kapanalig Community ay may higit sa 40-libong miyembro mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.