2,225 total views
Muling inaanyayahan ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang lahat na makibahagi sa bike caravan para sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Ito ay ang 2nd Bike 4 Kalikasan ng Caritas Philippines, at isasagawa ngayong taon sa lalawigan ng Batangas bilang bahagi ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation 2023.
Gaganapin ito sa Oktubre 7, 2023 mula alas-kwatro hanggang alas-10 ng umaga sa Montemaria International Pilgrimage and Conference Center sa Ilijan patungo sa Lagadlarin Mangrove Forest Park sa Lobo, Batangas.
Layunin ng 24-kilometrong pagbibisikleta na muling gisingin ang kamalayan ng bawat isa tungo sa pagkilos at pagbabago para sa kalikasan partikular na ang pangangalaga sa Verde Island Passage na itinuturing na center of the center of marine shorefish biodiversity sa buong mundo.
Katuwang ng Caritas Philippines sa inisyatibo ang Catholic Relief Services, Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC), at Lipa Archdiocesan Ministry on Environment (AMen).
Noong nakaraang taon, higit 1,200 volunteer bikers ang nakibahagi sa unang Bike 4 Kalikasan mula Manila Cathedral sa Intramuros patungo sa La Mesa Dam Nature Reserve Eco Park sa Quezon City, at sinundan ng paglulunsad sa Caritas Bamboo Forest Project.
Unang iginiit ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na sa halip na puro salita lamang, mas makabubuting kumilos na at dagdagan pa ang pagsisikap na isulong ang mga adbokasiya para sa kalikasan.