349 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Family and Life ang manamayan na makibahagi sa paggunita ng kauna-unahang World Day of Grandparents and the Elderly na idineklara ni Pope Francis sa ika-25 ng Hulyo, 2021.
Inaasahan ang pakikipagtulungan ng kumisyon sa CBCP-Episcopal Commission on Youth at Liturgy gayundin sa Catholic Grandparents Association of the Philippines para sa pagsasagawa ng isang three-day virtual national conference of grandparents and the elderly mula ika-22 hanggang ika-24 ng Hulyo.
Ang pagsasagawa ng virtual national conference ay bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus kung saan ipinagbabawal pa rin ang mass gathering.
“The Episcopal Commission on Family and Life has partnered with the Episcopal Commission on Youth and on Liturgy and with the Catholic Grandparents Association (CGA) of the Philippines to offer a three-day virtual conference from 22 to 24 July 2021. Everyone is invited, especially the elderly and the young.” Ang bahagi ng paanyaya ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life.
Tampok sa nasabing three-day virtual conference ang pagbabahagi ng mga pagninilay sa kahalagahan ng mga lolo’t lola at mga nakatatanda sa pagpupunla ng pananampalatayang Kristiyano at pag-uugali sa bawat pamilya.
Tema ng idineklarang kauna-unahang World Day for Grandparents and the Elderly ni Pope Francis ang “I am with you always” na naglalayong bigyang diin ang pagiging malapit ng Simbahan at ng mismong Panginoon sa bawat isa partikular na sa mga nakatatanda lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Pope Francis, malaki ang ambag ng mga lolo, lola at mga nakatatanda sa buhay ng bawat isa kaya naaangkop lamang ang pagkilala at pagbibigay halaga sa kanilang malaki at makabuluhang kontribusyon hindi lamang sa lipunan kundi maging sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano.
Nakatakda ang kauna-unahang World Day of Grandparents and the Elderly sa ika-25 ng Hulyo na malapit sa Kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana ang Lolo at Lola ni Hesus na patron ng mga lolo, lola at nakatatanda.