370 total views
Inaanyayahan ng Diocese of Novaliches ang bawat isa na makibahagi sa nakatakdang online Diocesan Telethon ng diyosesis na may temang “Tinapay ko, Handog ko”.
Ayon kay Rev. Fr. Luciano Ariel Felloni, Director ng Social Communications and Media Ministry ng Diocese of Novaliches, layunin ng programa na makalikom ng pondo upang makatulong at makapagbigay ng ayuda sa mahihirap na mga parokya sa diyosesis ngayong panahon ng pandemya.
Pagbabahagi pa ng Pari, ang natakdang online Diocesan Telethon ay bahagi rin ng paggunita sa ikalawang anibersaryo ng pagiging punong pastol ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa Diyosesis.
“Sa August 21, bilang bisperas ng 2nd anniversary ng pagka-obispo ni Bishop Robbie (Roberto) Gaa, we are organizing our first time ever Diocesan Telethon from 7am to 7pm, we will be on Facebook Live Online all the time. Ang program na ito ay magkakaroon ng isang layunin na ito ay tumulong sa mga pinakamahirap na mga parishes sa Diocese of Novaliches ngayong panahon ng pandemya sa pagbibigay ng ayuda,” pahayag ni Rev. Fr. Felloni sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na target ng diyosesis na makalikom ng sapat na pondo sa online Diocesan Telethon upang makapagkaloob ng food assistance sa 1,000 hanggang 1,500 pamilya sa bawat parokya partikular na sa mga mahihirap na komunidad sa diyosesis.
Ayon kay Fr. Felloni, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang magsilbing kaagapay ng Social Action Commission ng diyosesis sa pagtugon sa mga pangangailangan lalo na ng mga mahihirap.
“Concretely we are trying to give atleast every parish 1,000 to 1,500 families yung help in the form of rice and food assistance, so yun po yung aming layunin to raise funds para tumulong po sa Social Action Commission ng diocese sa pagbibigay ng ayuda to the poorest parishes na minsan sila po ang pinaka-poor even in benefactors, pinakamahirap kumuha ng benefactors, ng tulong so we will make all the effort with them,” dagdag pa ni Fr. Felloni.
Nakatakda ang kauna-unahang online Diocesan Telethon ng Diocese of Novaliches sa ika-21 ng Agosto, 2021 mula alas-syete ng umaga hanggang alas-syete ng gabi kung saan inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook Livestreaming ng gawain.
Inaasahan naman ang pakikibahagi sa nakatakdang online Diocesan Telethon ng ilang mga personalidad ng Simbahang Katolika kabilang na ang TikTok Priest na si Fr. Fiel Pareja; Social Media Influencer of the Year 2021 Fr. Fidel Roura; Fr. Jerry Orbos, SVD; Fr. Franz Dizon; at Bro. Bo Sanchez; kung saan inaasahan rin ang isang virtual interview sa Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle na siyang Prefect of the Congregation of the Evangelization of Peoples.
Ayon kay Fr. Felloni, may iba’t ibang paraan upang makapagpaabot ng tulong at makiisa sa layunin ng online Diocesan Telethon ng diyosesis kabilang na ang pagpapadala ng in-cash donation sa iba’t ibang paraan o kaya naman ay mga in-kind donation sa mga parokya ng Diyosesis ng Novaliches.