365 total views
Inaanyayahan ng Pondo ng Pinoy Community Foundation Inc. ang mamamayan sa gagawing songwriting contest.
Sa pahayag ng institusyon layon nitong mas maipalaganap at maipakilala sa publiko ang mga gawain ng Pondo ng Pinoy.
“Layunin nitong maibahagi sa publiko ang adhikain at ispiritwalidad ng Pondo ng Pinoy sa pamamagitan ng musika,” pahayag ng Pondo ng Pinoy.
Tema ng patimpalak ang “Pondo ng Pinoy: Simbolo ng Pagmamalasakit, Pag-asa, at Damayan”.
Ayon sa Pondo ng Pinoy inaasahang ang mensahe ng kanta ay nagbibigay pag-asa, nagpapalakas ng loob, naghahayag ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa sa gitna ng naranasang suliraning dulot ng pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Maaring lumahok sa kompetisyon ang mga baguhan at propesyonal na mga mang-aawit, indibidwal o grupo basta’t ang mga awitin ay orihinal na likha.
Dagdag pa rito maari ring gumamit ng iba’t ibang genre ng awitin Pop, Jazz, Ballad, Classical, Soul, Blues, R&B, Gospel, Rock, Hip Hop at Rap.
Pagbabatayan naman sa kompetisyon ang 50% – lyrics or impact of the message; 30% composition or musicality; at 20% naman sa over-all impact.
Ito ang kauna-unahang patimpalak sa awit ng Pondo ng Pinoy kung saan ang mananalo ay makatatanggap ng Php 15, 000, certificate of recognition at souvenir items, special awards tulad ng People’s Choice Award sa pamamagitan ng Facebook at Youtube na maaring magwagi ng Ph 5, 000 bawat isa.
Ang proyekto ay kasabay ng pagdiriwang ng institusyon ng ika – 16 na anibersaryo gayundin sa pagdiriwang ng ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa bansa.
Para sa mga katanungan maaring mag-email sa [email protected] o magpadala ng mensahe sa Pondo ng Pinoy Facebook page.
Ang deadline ng lahat ng entries ay sa Abril 25, 2021 bago mag alas dose ng hatinggabi.