1,298 total views
Umaasa ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas na magbuklod ang mamamayan sa pagtatanggol sa dignidad ng buhay.
Ito ang paanyaya ni SLP President Raymond Daniel Cruz Jr. sa nalalapit na Walk for Life 2023 na gaganapin sa February 18.
Batid ni Cruz ang maraming hamong kinaharap ng mga tao sa buong mundo sa nagdaang mga taon lalo na ang karanasan ng COVID – 19 pandemic kung saan anim na milyong katao ang nasawi sa buong mundo kasama ang mahigit 60 libong Pilipino.
“Kaya’t sa panahong ito’y kailangang magsama-sama tayong muli,let us journey together, come nearer at this time as an advocate of life.” paanyaya ni Cruz.
Ayon kay Cruz, tema sa pagtitipon ngayong taon ang ‘SANAOL ‘ na hango sa synodality ng Santo Papa Francisco na sama-samang paglalakbay at kapitbisig sa pagtatanggol ng buhay.
Sinabi ng opisyal na dapat paigtingin ang pagpapahalaga sa buhay lalo’t nasaksihan ng karamihan ang kawalang katiyakan ng buhay noong lumaganap ang nakamamatay na COVID-19.
“Kaya inaanyayahan namin kayong patuloy itaguyod ang pakikibaka at pakikipaglaban para sa buhay.” ani Cruz.
Magsisimula ang paglalakad ng mga lalahok sa Walk for Life sa Welcome Rotonda sa Quezon City alas kuwatro ng madaling araw patungong University of Santo Tomas (UST) grandstand kung saan gaganapin ang mga programa at banal na misa.
Inaasahan ng pinakamalaking samahan ng mga layko ang dalawang libong kalahok mula sa mga diyosesis sa mega manila gayundin ang mga mag-aaral at katuwang na organisasyong nagtataguyod ng buhay.
Magbabahagi ng panayam si Commission on Human Rights Chairperson Atty. Richard Palpal-Latoc hinggil sa katayuan ng CHR sa Death Penalty habang si dating CHR Commissioner Atty. Karen Dumpit naman sa In Defense of the Right to Life.
Unang inilunsad ang Walk for Life noong 2017 bilang pagtaguyod sa dignidad ng buhay na kaloob ng Panginoon at labanan ang culture of death.