13,095 total views
Muling inaanyayahan ng Laudato Si’ Movement Pilipinas (LSMP) ang lahat ng Kristiyanong mananampalataya na makibahagi sa Ecumenical Walk for Creation 2024 bilang bahagi ng pagdiriwang sa Season of Creation.
Gaganapin ito sa September 2, mula 4:00 hanggang alas-6:30 ng umaga sa St. Andrew’s Theological Seminary sa Quezon City.
Layunin ng gawaing ipalaganap ang sama-samang paglalakad at paglalakbay para sa kalikasan bilang pagkilos tungo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan, at ang patuloy na pagtugon sa tungkulin ng bawat isa na maging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Tampok sa gawain ang ‘Via Creationis’, na binuo ng Laudato Si’ Movement, upang gunitain ang misteryo ng paglikha sa pamamagitan ng serye ng mga istasyon.
Ginagawa ito sa pamamagitan ng sabayang pagbabasa sa Aklat ng Kasalutan o liber scripturae, at ang Aklat ng Kalikasan o liber naturae, ayon sa itinuro ni San Agustin at iba pang mga banal.
Sa mga nais makibahagi, bisitahin lamang ang facebook page ng Laudato Si’ Movement Pilipinas para sa karagdagang detalye.
Katuwang ng LSMP sa gawain ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines; National Council of Churches in the Philippines; at Philippine Council of Evangelical Churches.
Karaniwang ipinagdiriwang ang Season of Creation mula September 1, kasabay ng World Day of Prayer for the Care of Creation, at nagtatapos sa October 4, kapistahan naman ng patron ng sangnilikha na si San Francisco ng Assisi.
Noong 2020, ipinakilala ng simbahan sa Pilipinas ang pagpapalawig sa pagdiriwang hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre, kasabay ng Indigenous Peoples Sunday bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga katutubo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Tema ng Panahon ng Paglikha ngayong taon ang “To Hope and Act with Creation” kung saan una nang binigyang-diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pangangailangan para sa magkakatuwang na pagkilos para sa inang kalikasan.
Simbolo naman ng pagdiriwang ang “The First Fruits of Hope” na hango mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma.