377 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – National Laudato Si’ Program ang mga mananampalataya na makibahagi sa isasagawang webinar hinggil sa sama-samang paglalakbay sa pamamagitan ng Laudato Si’ Action Platform (LSAP) na bahagi ng paggunita sa Season of Creation 2021.
Paksa ng nasabing webinar ang ‘Usapang PasKal: Pastol para sa Kalikasan’ na tatalakayin at bibigyang-pansin ang mahalagang tungkulin ng mga diyosesis at mga parokya sa pagpapalaganap ng ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco tungo sa wastong pangangalaga at pagpapanatili ng ating nag-iisang tahanan.
Ang sektor ng mga diyosesis at parokya ay isa sa mga pinagtutuunan ng pansin sa LSAP kung saan kabilang din dito ang mga sektor ng pamilya; educational institutions; mga ospital at health care centers; ekonomiya ng bansa; iba’t ibang organisasyon at mga grupo; at ang mga nasa religious orders.
Kabilang naman sa mga magbabahagi sa webinar ay sina CBCP President at Davao Archbishop Romulo Valles; at kinatawan mula sa Dicastery for Promoting Integral Human Development – Diocese & Parish Sector, Ms. Monica Conmee.
Isasagawa ang talakayan bukas, Setyembre 8 kasabay ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria, mula alas-tres hanggang alas-singko ng hapon sa pamamagitan ng zoom.
Matutunghayan din ito sa mga facebook page ng Laudato Si’ Movement Pilipinas, CBCP National Laudato Si’ Program, at Veritas846.ph
Samantala, ibinahagi rin ng CBCP-NLSP ang panalangin para sa mga parokya at diyosesis ngayong panahon ng paglikha.
“Lord of Creation, we pray for our parishes and dioceses, that they may be attentive to the Cry of the Earth and promote clean energy, ensure clean air and water for all, protect your creation, and its biodiversity and climate, in particular. May we re-discover our original vocation as carers of our common home and of one another.”
Tema ng Season of Creation ngayong taon ang “A Home for All? Renewing the Oikos of God”, na ipagdiriwang sa buong buwan ng Setyembre hanggang sa Oktubre 4, ngunit pinalawig pa ito sa Pilipinas hanggang sa Oktubre 10 upang ipagdiwang ang Indigenous People’s Sunday.